LPA, Southwest Monsoon nagdulot ng pagbaha at pag-ulan sa Zamboanga City at ibang lugar sa bansa

LPA, Southwest Monsoon nagdulot ng pagbaha at pag-ulan sa Zamboanga City at ibang lugar sa bansa

MATINDING ulan at pagbaha ang ibinunga ng sama ng panahon sa ilang bahagi ng bansa—babala na opisyal nang nagsimula ang mapanganib na yugto ng tag-ulan. Dama agad ang epekto nito sa Zamboanga Peninsula, kung saan nagdulot ng malawakang ulan at pagbaha.

Biyernes ng madaling araw, Hunyo 6, nang mamataan ang isang Low Pressure Area (LPA) sa silangan ng silangang Visayas. Pinatindi pa nito ang epekto ng Southwest Monsoon o hanging Habagat, na nagdala ng pag-ulan sa Southern Luzon, Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Pagsapit ng Hunyo 9, iniulat ng DOST-PAGASA na ang naturang LPA ay lumagpas na sa kalupaan at namataan sa northwest portion ng Baler, Aurora. Kinabukasan, Hunyo 10, alas-dos ng madaling araw, ang LPA na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay tuluyan nang naging isang Tropical Depression. Nanatili ito sa labas ng PAR hanggang Hunyo 11, ayon sa pinakahuling update.

Ngunit kahit nasa labas ng PAR, nag-iwan ito ng pinsala sa ilang bahagi ng bansa, kabilang na ang Region 9. Sa panayam ng SMNI News kay Atty. Ruel Halanes, OIC Regional Director ng Office of Civil Defense Region 9, kinumpirma niyang naranasan ng buong Zamboanga Peninsula ang matinding pag-ulan, kung saan ang Zamboanga City ang pinakamatinding tinamaan ng pagbaha.

 “The entirety of Zamboanga Peninsula or Region 9 nagkaroon po tayo ng rainy situation and then ‘yong isang identified city na talagang nagkaroon ng flooding incidents is ‘yong Zamboanga City po,” pahayag ni Atty. Ruel Halanes, OIC Regional Director, OCD IX.

Batay sa datos ng NDRRMC as of June 11, umabot sa 50 barangay ang apektado ng pinagsamang epekto ng LPA at hanging Habagat:

Mahigit 4,800 pamilya o tinatayang 16,000 katao ang naapektuhan ng malawakang pag-ulan at pagbaha. Pinakamalaki ang bilang sa Region 3 na umabot sa 3,298 pamilya, kasunod ang Region 9 na may 1,233, habang ang iba pang rehiyon ay nagtala rin ng daan-daang apektado.

Ayon kay Atty. Halanes, agad na nakapagresponde ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno. Dahil sa maagang paghahanda, naibigay kaagad ang ayuda at serbisyo sa mga nasalantang residente.

“Lucky enough dahil nakahanda at dahil may kapasidad naman ‘yong Zamboanga City natugunan nila yong kanilang pangangailangan and then ‘yong ating mga regional response clusters naman mga ahensiya mula sa DSWD, DPWH, the AFP, the police, the Bureau of Fire, the Coast Guard and the rest of the response cluster nakaantabay at nagbigay rin ng karampatang tulong para mapunan yong ating mga pangangailangan sa mga evacuation centers” ayon kay Atty. Ruel Halanes, OIC Regional Director, OCD IX.

Sa ngayon, wala nang evacuees sa mga evacuation centers, ngunit tuloy pa rin ang preparasyon ng OCD Region 9 lalo’t opisyal na ang tag-ulan sa bansa.

“Sabi ng PAGASA sa atin kahit umalis man ‘yong Low Pressure Area kahit wala tayong bagyo dahil nga onset na ng tag-ulan, ‘yong epekto ng hanging Habagat at tsaka ‘yong tinatawag naming easterlies ‘yan ‘yong mabibigay sa amin dito sa Zamboanga Peninsula ng mga localized thunder storms.”

“Just recently after nung Monday nagkaroon kami ng pre-disaster risk assessment though that is focusing on the monsoon and the LPA pero nag-remind ulit kami sa mga lokal na government units coming from the provinces up to the cities including ‘yong ating mga agency pini-present po natin ‘yong kanilang preparedness measures,” dagdag nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble