LTFRB, nakahanda sa malawakang tigil-pasada ng ilang transport groups

LTFRB, nakahanda sa malawakang tigil-pasada ng ilang transport groups

TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nakahanda sila sa 3-araw na tigil-pasada ng grupong Manibela.

Sa pulong balitaan, binigyang-diin ni LTFRB board member Mercy Paras-Leynes na magde-deploy sila ng karagdagang sasakyan para sa mga pasahero na maapektuhan ng strike.

Magiging katuwang aniya nila rito ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.

Gayunpaman, nanawagan pa rin sila sa ilang transport groups na ikunsidera naman ang mga pasahero na maapektuhan sa ikakasanag strike.

Samantala, hinamon naman ng Transportation Department ang Manibela na ilabas ang kanilang ebidensiya na nagsasabing hindi tinutugunan ng pamahalaan ang kanilang hinaing lalo na sa PUV modernization.

Sinabi pa ng DOTr, hindi tumitigil ang LTFRB sa pakikipag-dayalogo o pagkonsulta sa mga drayber at operator ukol dito.

Patunay pa nga dito ang mga litrato ng grupong Manibela na nakipag-dayalogo kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III para tugunan ang kanilang mga hinaing.

Malinaw aniya na naghahanap lang ng simpatiya o atensiyon sa publiko lalo na sa media ang grupo at hindi para solusyunan ang problema sa kanilang hanay.

Follow SMNI NEWS on Twitter