LTFRB, nanindigang walang transportation crisis simula Pebrero

LTFRB, nanindigang walang transportation crisis simula Pebrero

SIMULA Pebrero 1, 2024 ay hindi na maaaring bumiyahe ang mga jeep na hindi consolidated sa ilalim ng PUV modernization program.

Ituturing na silang kolorum dahil sa pagkapaso ng kanilang prangkisa.

Ang resulta, nasa humigit-kumulang 1 libong ruta sa buong Pilipinas ang mababawasan ng mga bumibiyaheng dyip.

Sa Metro Manila, lampas 300 ruta ang may mga dyip na hindi pa consolidated.

Kabilang sa mga rutang ito ay Divisoria-Manila, Quezon City-Manila, at EDSA-bound trips patungong Quezon City, Pasig, Makati, at Parañaque.

Sa kabila nito, muling pinanindigan ng LTFRB na walang maging krisis sa pampublikong transportasyon simula sa susunod na buwan.

“Kung nakikita rin ho ninyo sa daan natin except peak hours kalahati lang ang sumasakay sa mga jeep. Hindi po puno. Ibig sabihin sobra ‘yung suplay natin. With these po mapagtatama ‘yung suplay at demand.”

“Kaya wala po kaming nakikitang na posibleng shortage,” ayon kay Teofilo Guadiz III, Chairperson, LTFRB.

Ani Guadiz na walang dapat ipag-alala ang mga commuter dahil marami namang mode of transportation tulad ng bus, tren, at UV express.

Nakahanda naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umalalay sakaling may maistranded na mga pasahero.

“Kung kailangan, kailangan. We want to make sure na walang disruption sa pampublikong transportasyon at i-minimize ‘yung inconvenience as a result nitong pagbabawal sa mga hindi nag-consolidate na bumiyahe,” saad ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Panghuhuli sa mga jeep na kolorum, paiigtingin

Kaugnay rito ay mas paiigtingin ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang operasyon laban sa mga dyip na kolorum simula Pebrero.

“Ginagawa lang namin iyan para ipatupad ang batas. So there is discipline in the road. ‘Yung mga lehitimong mga operators, mga modern vehicles, eh gumanda ang kita nila. Patas ang laban,” saad ni Asec. Vigor D. Mendoza, Chief, Land Transportation Office.

Palalawakin ng LTO ang kanilang mga impounding area sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular na sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.

Tutulong din ang MMDA sa LTFRB na magsagawa ng random checking sa mga bumibiyaheng dyip.

“May pag-uusap po kami ng LTFRB na starting February 1 pwede kaming magrandom check nung mga bumibiyaheng jeepneys to make sure na hindi po sila kasama sa hindi nagpa-consolidate,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble