MULING isinusulong ng Land Transportation Office (LTO) na pag-usapan at i-review muna ang no contact apprehension policy (NCAP) bago ang full implementation nito.
Ayon kay LTO Chief Atty. Teofilo Guadiz III, kailangan ay magsagawa ng draft guidelines at maisapinal muna ito upang suriin kung epektibo at kung nakatutulong ang NCAP sa mga motorista.
Nanawagan din si Guadiz sa ilang mayor sa NCR na kasalukuyang nagpapatupad ng NCAP na bumuo ng guidelines kasama ang LTO at MMDA.
Ayon kay Guadiz, ito ay para makabuo ng alituntunin na naaayon sa LGUs at sa ahensiya.
Dagdag ng LTO, isa sa pinagtatalunan sa NCAP ay ang pagbabayad ng multa.
Sa ngayon kasi, ang mga rehistradong may-ari ng sasakyan ang obligadong magbayad ng multa kahit na hindi ito ang nagmamaneho ng sasakyan.
Samantala, humingi naman ng tulong sa Korte Suprema ang transport groups upang pahintuin ang implementasyon ng NCAP.
Giit ng transport groups, base sa RA 4136 o ang “Land Transportation and Traffic Code”, ang driver ang dapat managot sa violations nito at hindi ang registered owners.
Kaya naman giit ni Guadiz na dapat hindi muna mai-implementa ang NCAP hangga’t hindi pa nabibigyang solusyon ang mga posibleng butas nito.
“There are still a lot of issues that need to be resolved, particularly those raised by the public, which are totally valid. The petition filed by the four transport groups is a clear indication that further review of the policy is necessitated. The presence of a uniform, well thought of, and transparent guidelines is very important for the NCAP to work because it will be the public who will suffer if it doesn’t,” pahayag ni Guadiz.
Samantala, kabilang sa mga lugar sa NCR na nagpapatupad ng NCAP ay ang Manila, Quezon City, Parañaque, Muntinlupa, at Valenzuela City.