Luis Manzano at iba, no show sa pagdinig ng Flex Fuel Scam sa NBI

Luis Manzano at iba, no show sa pagdinig ng Flex Fuel Scam sa NBI

WALANG Luis Manzano na sumipot sa pagdinig ng NBI, araw ng Lunes na may kinalaman sa multi-million Flex Fuel Scam.

Kinatawan lang ni Manzano ang dumating sa NBI, at tumanggi na sumagot sa mga tanong ng media.

Napag-alaman na wala ring anumang salaysay na isinumite ang kampo ni Manzano.

Maging ang mga iba pang nadadawit sa scam na si Ildefonso Medel ang sinasabing presidente ng FlexFuel Petroleum Corporation at iba pang opisyal, no show din at tanging mga representante lang ang humarap sa NBI.

Giit ng mga ito hindi dawit sa pang iiscam ang kumpanya.

Bago ang pagdalo ng mga legal counsel, dalawang subpoena na ang pinadala ng NBI para maobliga silang humarap.

Sa pagdinig, halos nasa 20 complainant ang dumating sa NBI.

Ayon kay Jinky, ang tumatayong leader ng mga complainant na umabot na sa 80 ang mga nagrereklamo ngayon sa NBI laban sa Flex Fuel.

Isa rito ay ang OFW na na hindi na nagbigay ng pangalan.

Ayon sa kaniya, dalawa sila ng kaniyang ina ang nabiktima ni Luis Manzano.

Si Jinky, nanggagalaiti nang muling humirit ng 15 araw na extension si Manzano at iba pang dawit sa scam para sumagot.

Sinabi naman ng NBI na maaring sa katapusan ng Pebrero ay maiaakyat na sa Department of Justice (DOJ) ang mga reklamo ng mga sinasabing na-scam ng Flex Fuel.

Ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Dumalo, sa ngayon ay kailangan pa ng evaluation ang mga complaints saka ito uusad sa Legal Department ng NBI.

Ayon kay Dumlao, ang DOJ Prosecutors na ang susuri kung may probable cause ang mga reklamo.

Hindi rin daw nila kayang sabihin kung malakas ang hawak na reklamo ng mga complainant laban kay Manzano.

Syndicated Estafa at paglabag sa SEC ang ilang reklamong inihain ng mga investors sa NBI.

Follow SMNI NEWS in Twitter