Mabilis na pagpapatayo ng mga natural gas power plant, tinututukan ng DOE

Mabilis na pagpapatayo ng mga natural gas power plant, tinututukan ng DOE

TINUTUTUKAN ng Department of Energy (DOE) ang mabilis na pagpapatayo ng mga natural gas power plant sa gitna ng humihinang supply ng natural gas sa bansa.

Tumaas na naman ang singil sa kuryente ngayong Oktubre.

Ang dahilan nito ayon sa Manila Electric Company (Meralco) ay sa pagtaas ng halaga ng kuryente na galing sa dalawang planta kasunod ng kawalan ng natural gas sa Malampaya.

Gumamit ang mga naturang mga planta ng liquid condensates na doble ang presyo kumpara sa natural gas kaya tumaas ang kanilang generation charge.

Aminado ang power company na mananatiling mahal ang kuryente kung patuloy na humihina ang supply ng natural gas.

Ang DOE tiniyak na sa kabila ng hamon sa supply ng natural gas sa bansa ay mayroon nang mga plano upang tugunan ito.

Sinabi ni Energy Usec. Felix William Fuentebella na matagal nang may plano para sa maayos na supply kung saan isa na rito ang pagpapatayo ng liquefied natural gas (LNG) terminals.

“Anticipated natin ‘yung pagdeplete ng Malampaya gas production natin. Pero nakapasok na ‘yung pagplano na natin na LNG. So LNG is there para maging cheaper siya sa fuel na tinatawag natin kadalasang fuel oil or diesel,” pahayag ni Usec. Felix William Fuentebella, Department of Energy.

Pero ‘yung nga lang ani Usec. Fuentebella, nagkaroon ng one year delay ng pagpapatayo ng mga natural gas power plant sa pagpasok ng Marcos administration.

Sa ngayon, ayon sa opisyal ay pinabibilis na ng DOE ang pagpapatayo ng mga ito.

“We have to be more efficient and dapat nakatutok talaga tayo. Kasi kahit anong gawin ng Department of Energy kung mismong ‘yung mga delay ay pwede naman sanang maiwasan, dapat talagang narerespondehan na ng mga companies natin na nagdedeliver ng natural gas, LNG at tsaka mismo ng mga power plants na gumagamit nito,” ani Fuentebella.

Tiniyak din ni Fuentebella na kung sakaling magkakaroon ng isyu sa supply ng natural gas ay mayroon pang ibang mapagkukunan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter