Magkasalungat na mga pahayag ng gabinete ni PBBM, dahil sa mahina niyang liderato—Political Commentator

Magkasalungat na mga pahayag ng gabinete ni PBBM, dahil sa mahina niyang liderato—Political Commentator

KAHIYA-HIYA sa int’l community ang hindi tugmang mga pahayag ng mga tao ni PBBM sa isyu ng pinakahuling iringan ng China at Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Nagkagirian muli ang mga tropa ng China at Pilipinas sa isang resupply mission sa Ayungin Shoal nitong Hunyo 17.

Ang insidente, naibalita sa malalaking pahayagan sa buong mundo kung saan isang sundalo ng Pilipinas ang naputulan ng hinlalaki sa banggaan ng barko ng dalawang bansa.

Naunang nagbigay ng pahayag si Executive Secretary Lucas Bersamin at iginiit na misunderstanding lang ang nangyaring pagpapadala ng mga sundalo ng Pilipinas sa lugar.

‘Di pa rin itinuturing na ‘armed attack’ ang nangyari sa West Philippine Sea (WPS).

Kinontra naman ang pahayag ni Bersamin ni Defense Secretary Gibo Teodoro at sinabing hindi misunderstanding ang insidente sa halip ito ay kalabisan sa parte ng China.

Tinawag din ni Teodoro na ‘deliberate act’ ang agresibong pangha-harass ng China.

Kinuwestiyon naman ng political commentator na si Elmer Jugalbot ang salungat na mga pahayag ng gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“What happened during the last few days during the June 17 incident—nakakahiya talaga sa international community,” saad ni Elmer Jugalbot, Political Commentator, Writer.

Nauna nang sinabi ni Secretary Teodoro na paunang pahayag lamang ang binigay ni ES Bersamin sa isyu.

Ngunit para kay Jugalbot, ang mahinang liderato ni Pangulong Marcos ang dahilan ng magkaibang pahayag.

“You have all these high-ranking officials, flip-flopping on their statements looking like headless chickens running around in circles while the chief diplomat and command in chief is acting like an ostrich, burying his head under the sand,” ani Jugalbot.

Saad ni Jugalbot, kung sana ay mabilis ang komento ng Pangulo sa issue ay mabibigyan ng gabay ang kaniyang mga alter ego kung paano ang tamang diskarte sa insidente.

“Incidents of this magnitude require the immediate and urgent attention of the President. And in fact, until now, hindi mo pa naririnig mismo ang Presidente. Who is the chief architect of our foreign policy,” aniya.

Sa ngayon ay gumagawa na ng hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) para idaan sa diplomasya ang pakikitungo sa China sa WPS.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter