SA unang pagkakataon ay nagsalita na si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. (PBBM) kaugnay sa kontrobersiyal na Maharlika Wealth Fund.
Para kay Pangulong Marcos, may pakinabang sa bayan ang Maharlika Wealth Fund sa kabila ng pagtutol ng ilang sektor sa nasabing panukala.
Ito ang inihayag ni Pangulong Marcos nang humarap sa media sa isang chance interview sa loob ng Flight PR 001 patungong Brussels, Belgium.
Nakatakdang dumalo si Pangulong Marcos sa ASEAN-EU Commemorative Summit ngayong linggo.
“I wouldn’t have brought it up otherwise… It’s very clear that we need added investment. This is another way to get that,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos hindi aniya niya ito susuportahan kung hindi ito makatutulong sa bayan.
Paliwanag ni Pangulong Marcos, ang Maharlika Wealth Fund ay isang paraan para makakuha ng investment ang pamahalaan.
Samantala, naniniwala si Pangulong Marcos na imbes pagdebatehan sa ngayon ay hayaan muna ang mga mambabatas na gawin ang kanilang trabaho at maisapinal ang panukalang batas.
Aniya dapat lang ang panukalang batas na isasapinal ng mga mambabatas kaugnay sa sovereign fund ay kinakailangan walang makitang mali.
Ipinunto naman ni Pangulong Marcos na hintayin na lamang ang pinal na version ng panukalang batas.
“Let’s not debate until we see the final form because we could be debating about provisions that no longer exist. So antayin natin kung ano’ng gagawin ng legislature,” ani Pangulong Marcos.
Magugunitang iniatras ng mga mambabatas ang suhestiyon na hugutin mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ang kontribusyon para sa panukalang Sovereign Wealth Fund.
Nagbigay naman ng katiyakan si Finance Secretary Benjamin Diokno na inaasahan ng pamahalaan na makatutulong ang Maharlika Wealth Fund para tumaas ang investment at pagpopondo sa mga infrastructure project partikular na sa agrikultura sa probinsiya.