Mahigit ₱4-B halaga ng ilegal na droga, sinira ng PDEA

Mahigit ₱4-B halaga ng ilegal na droga, sinira ng PDEA

SA pamamagitan ng Simon Test ay masusing sinuri ng mga chemist kung tunay ang mga drogang inihatid sa isang integrated waste management facility sa Trece Martires, Cavite araw ng Huwebes.

Matapos ang testing ay ipinasok na sa Thermal Decomposition Machine ang nasa P4.51-B halaga ng ilegal na droga na nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ito nga ‘yung mga naipong ilegal na droga na nagsilbing ebidensiya mula pa noong huling kwarter ng taong 2023 na mula sa mga ginawang operasyon ng PDEA, PNP, at National Bureau of Investigation (NBI).

Kabilang sa mga sinunog ay ang nasa mahigit 500 na kilo ng shabu na nasabat ng NBI noong Setyembre 2023 sa Mexico Pampanga.

Ayon kay Asec. Renato Gumban, Deputy Dir. General for Operations ng PDEA na ang nasabing hakbang ay paraan ng pamahalaan para masiguro na hindi nare-recycle ang mga ilegal na droga na nasasabat sa mga operasyon.

“Today’s ceremony is PDEA’s way of showing to the public that these illicit substances are permanently destroyed rendering them in capable of breaking havoc on people’s lives. This activity also helps in addressing the issue on drugs recycling,” ani Gumban.

Kaugnay rito sinabi ng Chief of Staff at Chief Public Information Office ng PDEA na si Director III, Derrick Carreon na banta pa rin sa seguridad ang mga drug cartel sa ibang bansa kaya nakakapasok ang mga ilegal na droga dito sa Pilipinas.

“Of course, from the Golden Triangle Drug Syndicate and part of that are of course Chinese drug trafficking organizations, pero sir ang mga sindikato na nagpapabagsak po ng mga tone-toneladang illegal drugs are coming from Golden Triangle Syndicate yong kumukuha ng supply sa Tri boundary ng Myanmar, Thailand, and Laos PDR, on top of that may threat group pa rin tayo mula sa African drug syndicates na sila naman ang de-deploy ng mga drug couriers,” saad ni Director III, Derrick Carreon, Chief of Staff, Chief PIO, PDEA.

Kaya naman maliban sa pagbabantay sa mga malalaking siyudad at rehiyon dito sa bansa ay mahigpit nilang minomonitor ang mga pantalan para pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga.

“If you’re talking about center of gravity, of course Metro Manila remains to be one of them but of course there are a joining areas like the super regions like dito, tayo sa CALABARZON and Central Luzon, but of course binabantayan natin specially lahat ng ating mga coast lines kaya nga po may cooperation tayo with the National Coast Watch Center,” ani Carreon.

Sa ngayon ay nasa humigit-kumulang isang tonelada pa ng mga ilegal na droga ang nasa kostudiya ng PDEA at hinihintay na lang ang court order para tuluyan nang masira ang mga ito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble