Mahigit 1,000 armas ibinida ng 6ID sa Commanding General ng PH Army

Mahigit 1,000 armas ibinida ng 6ID sa Commanding General ng PH Army

IBINIDA kamakailan ng 6th Infantry Division (6ID) ang kabuuang 1,031 armas kay Lt. Gen. Roy Galido, ang Commanding General ng Philippine Army, sa kaniyang makasaysayang pagbisita sa 6ID Headquarters sa Maguindanao del Norte.

Ayon kay Major General Donald Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC), ang mga armas na ito ay nakumpiska sa pamamagitan ng masigasig at tuloy-tuloy na operasyon ng JTFC.

Ang mga operasyong ito ay pinangunahan ng kombinasyon ng mga military at law enforcement units, na patuloy na nagsasagawa ng malawakang pagsugpo sa iligal na armas sa mga lugar na may mataas na insidente ng karahasan.

Sa kabuuang bilang ng mga nakumpiskang armas, 761 dito ang nahuli, nakumpiska, isinuko, at narekober mula noong 2024 hanggang ngayon.

Ang mga armas na ito ay kinabibilangan ng mga ginagamit sa mga krimen at mga iligal na gawain na nagdudulot ng panganib sa mga komunidad.

Samantala, 270 armas naman ang nakolekta mula sa ilalim ng Small and Light Weapons (SALW) Management Program.

Ang programang ito ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang masugpo ang pagkalat ng maliliit na armas na madalas ginagamit sa mga kriminal na aktibidad.

Pinuri ni Lt. Gen. Galido ang matagumpay na operasyon ng 6th ID, na naging dahilan ng malaking hakbang patungo sa pagtiyak ng kapayapaan at seguridad sa mga lugar na nasasakupan nila.

Ayon sa kaniya, ang tagumpay na ito ay patunay ng kanilang tapat na paglilingkod at dedikasyon na sugpuin ang mga armas na nagiging ugat ng karahasan at nagbabadya sa kaligtasan ng bayan.

“Isang patunay ito ng aming hindi matitinag na dedikasyon sa pag-aalis ng mga kasangkapan ng karahasan na nagbabanta sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa. Suportado ng Philippine Army ang mga hakbang na ito at patuloy na makikipagtulungan sa aming mga yunit at kasosyo upang mapanatili ang momentum na ito,” wika ni LtGen. Roy Galido, Commanding General, Philippine Army.

Sa kaniyang pagbisita, nakipagpulong din si LtGen. Galido sa mga Commander ng Brigade, nagsagawa ng isang Talk to Troops session kasama ang mga Kampilan Troopers sa 6ID Grandstand, at nakipagpulong sa mga Sergeant Major mula sa iba’t ibang yunit sa ilalim ng 6ID upang patuloy na palakasin ang mga hakbang para sa kapayapaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble