Mahigit 2.7M pamilya, naapektuhan ng 5 magkakasunod na bagyo—DSWD

Mahigit 2.7M pamilya, naapektuhan ng 5 magkakasunod na bagyo—DSWD

AMINADO ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na talagang malaking hamon sa gobyerno ang limang magkakasunod na bagyo na tumama sa bansa.

Gayunman, ani DSWD Undersecretary Edu Punay, tuluy-tuloy ang pagbibigay ng disaster response efforts at relief items sa mga komunidad na apektado ng kalamidad.

“We were prepared to deal with these five consecutive typhoons—nandiyan si Kristine, from Leon to Marce, to Nika and then to Ofel ano,” pahayag ni Usec. Edu Punay, DSWD.

Sa tala ng DSWD, mahigit 2.7 milyong pamilya na ang naapektuhan nitong limang bagyo kung saan karamihan ay sa Luzon.

“In fact, dito sa Bicol Region, mahigit 790,000 na families iyong ating natala na affected nitong mga bagyo with concentration dito sa Camarines Sur nga at pati na rin sa CALABARZON dito sa Region IV-A ay apektado nitong mga nakaraang bagyo,” ani Punay.

Ibinahagi naman ng opisyal na nasa 209,000 na mga bahay ang naapektuhan ng limang magkakasunod na bagyo—partially at totally-damaged ang mga ito.

Samantalang sa Bagyong Marce, Nika at Ofel lamang, ang tinututukan ng ahensiya ay ang Hilagang Luzon.

Nabatid na ang Region I, II, III at Cordillera Administrative Region ang natumbok ng tatlong bagyo na ito kaya doon nakatutok ang disaster response ng DSWD.

Natirang pondo para sa disaster response, nasa P100M na lang ayon sa DSWD

Binanggit pa ni Punay na kakaiba ang sitwasyon na ito bunsod ng sunud-sunod na bagyo, kaya inaasahan ding malaki ang malalabas ng departamento na pondo pagdating sa disaster response.

Aniya, mahigit isang bilyong piso na ang nalabas dito lamang sa limang bagyo na ito at ang natira, nasa P100M na standby funds na lamang.

Sa kabila nito, mabilis naman aniya ang replenishment ng Department of Budget and Management (DBM) pagdating sa pondo sa disaster response.

Kaya bukod sa P100M na standby funds, ay may paparating nang P875M na pondo.

“So, we’re expecting it within the week or next week makukuha natin iyong pondo na iyan para makatulong sa pag-prepare naman sa mga paparating pang bagyo,” ani Punay.

Sa ulat ng DSWD, may 1.4 milyong family food packs na nailabas para sa naapektuhan ng limang bagyo at may naka-standby pa na 1.3 milyon dito.

Follow SMNI NEWS on Twitter