MAHIGIT 30,000 pamilya o katumbas na higit siyamnapu’t limang libo, siyamnaraang (95,910) indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Bising at Habagat sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Ito’y ayon sa pinakahuling monitoring ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong alas-sais ng umaga ng Martes.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kabilang sa mga apektadong lugar sa Luzon ang Ilocos Sur sa Rehiyon I, pati na rin ang Bataan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales, Olongapo City sa Rehiyon III, at Itogon, Benguet sa Cordillera Administrative Region.
Samantala, sa Mindanao, may mahigit 800 na pamilya ang naapektuhan ng habagat sa Zamboanga sa Rehiyon IX, habang mahigit 500 pamilya naman ang apektado sa Davao de Oro at Davao Oriental sa Rehiyon XI, sanhi ng patuloy na pag-ulan dulot pa rin ng Habagat.
Pinakanararanasan ang matinding epekto ng pagbaha sa Pampanga sa Rehiyon III kung saan agad ring nakapagpadala ang DSWD ng augmentation support sa lokal na pamahalaan.
Bagyong Bising at Habagat, nagdulot ng paglikas at pinsala sa ilang bahagi ng bansa
Patuloy ang monitoring ng ahensiya sa mga apektadong pamilya at nasirang kabahayan sa mga lalawigang tinamaan ng Bagyong Bising at Habagat.
Base sa ulat mula sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) ng DSWD, mayroong isang pamilya ang nananatili sa evacuation center sa Pampanga at isa rin sa Zambales.
Sa Zamboanga, pitong evacuation centers ang aktibo ngayon, kung saan may mahigit 600 pamilya ang kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan doon.
Dagdag pang ulat mula sa parehong DROMIC report, may naitalang apat na totally damaged na tahanan at 13 partially damaged sa iba’t ibang rehiyon.
Sa Region I, isa ang naitalang partially damaged sa Ilocos Sur.
Sa Region III, apat na tahanan ang totally damaged: isa sa Bataan, dalawa sa Zambales, at isa sa Olongapo City.
Sa Cordillera Administrative Region, iniulat ng Field Office na may 12 bahay sa Itogon, Benguet ang bahagyang nasira.
Ayon sa DSWD, agad rin silang nakapagpaabot ng ayuda sa mga lugar na matinding naapektuhan ng Bagyong Bising at Habagat.
“Dito po sa mga naapektuhan ng Bising at Habagat ay mahigit 1,000 family food packs iyong naipahatid natin as augmentation support to the local government units sapagkat ang mga lokal na pamahalaan po ang unang nagpahatid ng tulong,” ayon kay Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.
Dagdag pa ng ahensiya, may nakahandang mahigit ₱3B standby funds at stockpiles na maaaring agad ipamahagi bilang tulong sa mga apektado ng Bagyong Bising, Habagat, at iba pang posibleng sakunang darating sa bansa.
“Iyon pong ating mahigit ₱3 billion na standby funds and stockpiles, iyan ay binubuo ng ating quick response fund, iyong mga standby funds na ginagamit sa ating mga field offices and of course iyong mga naka-preposition po na mga food and non-food items,” ani Dumlao.