MANILA, Philippines — Umabot sa mahigit 57,000 aplikante ang inaprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) upang makaboto sa ilalim ng Local Absentee Voting (LAV) ngayong halalan, ayon sa opisyal na ulat ng komisyon.
Kabilang sa mga pinayagang makaboto nang mas maaga ay mga media practitioners, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at ilang kawani mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na hindi makadadalo sa mismong araw ng halalan sa Mayo 12 dahil sa tungkulin o duty.
Ayon sa COMELEC, pinakamarami sa mga naaprubahan ay mula sa hanay ng AFP, na sinundan naman ng PNP personnel.
Bukod sa AFP at PNP, tinatayang 4,206 na aplikante mula sa iba’t ibang government agencies ang aprubado rin para sa LAV. Kasama sa mga ahensyang ito ang:
Department of the Interior and Local Government (DILG)
Department of Information and Communications Technology (DICT)
Public Attorney’s Office (PAO)
National Economic and Development Authority (NEDA)
Department of Science and Technology (DOST)
Department of Foreign Affairs (DFA)
Department of National Defense (DND)
Department of Education (DepEd)
Samantala, 1,005 na mga mamamahayag o media voters ang pinayagang makaboto sa ilalim ng absentee voting.
Ang Local Absentee Voting ay isasagawa sa Abril 28, 29, at 30, eksklusibo para lamang sa mga inaprubahang aplikante.
Para sa media voters sa NCR, gaganapin ang botohan sa Office of the Regional Election Director.
Para sa mga media sa highly urbanized cities sa labas ng Metro Manila, ito’y isasagawa sa tanggapan ng Provincial Election Supervisor.
Para sa iba pang mga lugar, idaraos ang pagboto sa Office of the Election Officer.
Paalala ng COMELEC, ang LAV ay para lamang sa national positions (Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senador, at Party-list groups).