MAS pinaigting ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kanilang kampanya laban sa mga mapanlinlang na online job scams na patuloy na naglalagay sa panganib sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon sa DMW, marami sa mga job posting online ay ginagamit para linlangin ang mga aplikante at kalauna’y mauuwi sa human trafficking at sapilitang pagtatrabaho sa mga tinatawag na “scam hubs.”
Sa kasalukuyan, aktibo ang ahensya sa pakikipag-ugnayan sa mga social media platform gaya ng Facebook at TikTok. Umabot na sa mahigit pitumpu’t tatlong (73,000) pekeng job posts ang na-take down sa tulong ng kanilang monitoring teams at sa pakikipagtulungan sa Meta.
Ibinahagi rin ng DMW na pinag-aaralan ang pagdagdag ng online surveillance teams para mas mapabilis ang pagtukoy at pagbura ng mga pekeng anunsyo.
Samantala, tiniyak ng DMW ang patuloy na suporta sa mga nabiktima ng scam hubs. Sa pamamagitan ng Migrant Workers Office sa Bangkok, ilang nailigtas na mga OFW ang nakatanggap ng post-arrival assistance at pinansyal na tulong mula sa AKSYON Fund. Mahalaga rin anila ang pagkuha ng testimonya ng mga biktima para matukoy ang mga sangkot na recruiter.
Target din ng DMW na magtayo ng mga Migrant Workers Office sa mga lugar tulad ng Lao People’s Democratic Rrepublic, Cambodia, at Myanmar ngayong taon. Bukas ang DMW Hotline 1348 24/7 para sa mga sumbong at agarang aksyon.
Patuloy din ang koordinasyon ng DMW sa Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT at iba’t ibang ahensya para mas maprotektahan ang mga Pilipino mula sa panlilinlang at pang-aabuso ng mga illegal recruiter.