DIRETSAHANG sinagot ni incoming Pagsanjan, Laguna Mayor E.R. Ejercito kung ano ang magiging prayoridad sa unang 100 araw ng kaniyang panunungkulan bilang bagong alkalde.
Sa panayam ng SMNI News, iginiit ng dating gobernador at alkalde na kailangang ayusin ang aniya’y “napabayaan” na bayan ng Pagsanjan.
Ngunit higit sa lahat, ang pagbabalik ng kaayusan at kapayapaan ang kaniyang magiging pangunahing tututukan.
“Sa pagbabalik ko bilang mayor ng Pagsanjan, talagang disiplina ang ating paiiralin. Walang personalan, trabaho lang,” saad ni E.R. Ejercito, Incoming Mayor ng Pagsanjan, Laguna.
Kabilang sa kaniyang plano ang pagpapaigting ng presensiya ng kapulisan sa buong bayan na sinimulan niya noong siya’y gobernador ng Laguna.
“Ang ratio ng kapulisan, 1 is to 5,000 people. So ang ginawa ko noong ako ay governor ng Laguna, binago ko ‘yung policy na ‘yan. Humingi ako sa Malacañang at sa Philippine National Police ng dagdag police. So ngayon maipagmamalaki natin, 1 policeman is to 1,500 people,” dagdag ni Ejercito.
Ang bayan ng Pagsanjan ay kilala sa rehiyon, hindi lamang dahil sa likas na ganda nito kundi pati na rin sa makulay nitong kasaysayan at kultura.
Tampok dito ang Pagsanjan Falls o Magdapio Falls, na itinuturing na isa sa mga pangunahing tourist destination sa bansa.
At upang mapanatili ang kaayusan sa turismo at seguridad, may babala si Ejercito lalo na’t aniya, may hawak siyang listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga at iba pang masasamang loob.
“Dito sa Pagsanjan, konti lang naman ang tao sa ating bayan. Kulang 60-70,000. Kilala ko po ang lahat ng mga drug pusher, drug addict diyan. May masterlist po ako, may matrix tayo diyan. At gayun din kilala ko rin ang lahat ng mga tsismoso at tsismosa diyan pati ang mga kalaban natin sa politika. Kaya’t kayang-kaya po natin disiplinahin,” aniya.