Mahigpit na pagbabantay vs. overloading sa barko ipinatutupad ngayong Semana Santa

Mahigpit na pagbabantay vs. overloading sa barko ipinatutupad ngayong Semana Santa

KASABAY ng pagtaas ng bilang ng mga pasaherong inaasahang dadagsa sa mga pantalan ngayong Semana Santa, mas pinaigting ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang pagbabantay, lalo na sa mga insidente ng overloading ng barko—isang usaping ilang ulit nang nauwi sa trahedya.

Magugunitang sa mga nakalipas na panahon, ilang trahedya na rin ang naitala sa karagatan, na kinabibilangan ng paglubog ng mga sasakyang pandagat dahil sa sobrang pasahero. Dahil dito, mas pinaiting ng mga ahensiya ang pagsasanib-puwersa upang hindi na maulit ang parehong bangungot.

Sinabi ni Philippine Ports Authority (PPA) Spokesperson Eunice Samonte na isa sa mga pangunahing direktiba ni Secretary Vince ay ang maigting na pagbabantay kontra overloading.

“Actually, isa po sa naging bilin din ni Secretary Vince kahapon ay iyong overloading po sa mga barko ‘no. So, bawal na bawal po ang overloading,” ayon kay Eunice Samonte, Spokesperson, Philippine Ports Authority (PPA).

Kamakailan, napagkasunduan na kailangang mas mahigpit pa ang ugnayan ng PPA, Maritime Industry Authority (MARINA), at Philippine Coast Guard (PCG) upang tuluyang masawata ang overloading.

Ayon kay Samonte, pangunahing layunin ng mga hakbang na ito ay ang masiguro ang kaligtasan ng bawat pasaherong bibiyahe ngayong Semana Santa. Sa dami ng pupunta sa probinsya, hindi pwedeng isugal ang buhay ng mga tao sa kawalan ng disiplina at pagsunod sa kapasidad ng mga barko.

Una nang inanunsiyo ni Transportation Secretary Dizon ang tungkol sa isang joint memorandum circular sa pagitan ng DOTr, PPA, PCG, at MARINA. Layon nitong papanagutin ang sinumang may-ari ng sasakyang pandagat na lalabag sa patakaran laban sa overloading.

Binigyang-diin ni Secretary Dizon na hindi basta-basta ang magiging kapalit ng paglabag—maaari itong mauwi sa suspensiyon o tuluyang pagkansela ng lisensiya, bukod pa sa mabigat na multa.

“At kung sakali man po na mayroon pong makapagpakita ng patunay at saka kung mayroon man po na isyu ng overloading, maaari pong makansela ang kanilang lisensiya—at depende pa rin po sa atin pong secretary. On the part of PPA naman po, we are in close coordination with PCG and MARINA po sa mga barko na bibiyahe po dito sa ating mga pantalan,” wika ni Eunice Samonte, Spokesperson, Philippine Ports Authority (PPA).

Sa tala ng PPA, ang Port of Batangas ang nangunguna sa may pinakamaraming pasahero ngayong Semana Santa, kung saan mahigit 20,000 ang inaasahang maglalayag mula rito.

Bahagi ito ng kabuuang humigit-kumulang 1.73 milyong pasahero na inaasahang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa ngayong banal na linggo—kaya’t higit kailanman, mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon para sa ligtas na biyahe ng bawat Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble