SA Xinjiang Uyghur Autonomous Region, matatagpuan ang isang tourist destination na Kashgar Old City o mas kilala bilang Ancient City of Kashi.
Ito ay nasa gitna ng lungsod at may sukat na aabot sa 4.25 square kilometers na may higit 126,000 na residente.
Ito ang pinakamahusay na lugar upang maranasan ang lokal na kultura at maunawaan ang buhay ng mga residente noon.
Naging mahirap ang naging karanasan ng nasabing lungsod noon kung saan walang maayos na sewage system o sistema ng pagkolekta, pagtapon at pagproseso ng maruming tubig at dumi mula sa mga bahay, gusali at iba’t ibang istruktura.
‘Pag umuulan ay mabilis na bumabaha sa lugar noon, walang maayos na palikuran at nasa gilid ng pader lang ang mga water pipeline pati mga basura nakakalat lang sa mga daanan at maraming bahay ang nasira dahil sa mga nagdaang lindol.
Ito’y bunsod na rin ang lokasyon ng Kashi ay nasa earthquake active belt.
Pero iba na ang Ancient City of Kashi ngayon, dahil isa na itong sikat na tourist destination sa Xinjiang, China.
Nagsagawa ng mga renovation ang gobyerno ng China simula noong 2008-2015.
Ginawang yari sa bricks, kahoy at plaster ang mga tahanan at gusali ng mga lokal na residente.
Sa bagong renovated na mga tahanan ng mga residente, mayroon itong tatlong palapag.
Makikita sa unang palapag ang kanilang negosyo. Sa pangalawang palapag naman ay ang kanilang banyo at ang pangatlo ay ang kanilang living room at dining area.
Malaki ang naitulong ng isinagawang renovation project sa Kashi ng pamahalaan ng China na nagbigay daan para magkaroon ng trabaho at hanapbuhay ang mga residente.
“After the renovation which integrates the residential areas. More and more tourists are coming into the city to experience the culture, to learn more about Kashi, and witness how the lives of the local residents become better,” ayon kay Marhaba Adeli, Local Resident.
Tampok sa loob ng Ancient City of Kashi ang iba’t ibang hand-made products at pagkain na gawa ng mga residente rito.
Ang una ay ang ‘flower pot bazaar’ kung saan makikita ang iba’t ibang hugis, laki at disenyo ng mga sisidlan ng mga bulaklak.
Ang pangalawang bazaar naman ay tinatawag na ‘kantoman’ kung saan makikita ang iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura at iba pang kagamitan katulad na lamang ng Chinese traditional tea set kung saan makikita ang unique design nito.
Ang pangatlong bazaar na tinatawag na ‘woodcraft bazaar’ ay tampok ang mga traditional Chinese musical instruments gaya ng dutar at drum.
Samantala, ‘herbal tea’ naman ang makikita sa ika-apat na bazaar sa China, bahagi ng kultura nito ang pag-inom ng tsaa at naniniwala sila na maaaring makatutulong ito para magpagaling sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng mga sakit sa ngipin, puso, dugo, tiyan at marami iba pa.
At ang huling bazaar na tampok sa loob ng Ancient City of Kashi ay ang kanilang flower hat.
Ito’y karaniwang sinusuot ng mga kababaihan tuwing may okasyon tulad ng kasal at festivals.
Dahil sa yaman ng kultura at maraming magagandang lugar na puwedeng puntahan ay hindi na nakapagtataka na ang Ancient City of Kashi ay tinaguriang “”5-star tourist destination” sa China.
Ipinapakita nito ang makulay na tradisyon ng Xinjiang Uyghur at ito ay kumakatawan sa sinaunang pamumuhay at ang mapayapang sitwasyon na nararanasan ng mga residente sa lungsod ngayon.
Id Kah Mosque sa Kashi City sa China, dinadagsa ng mga turista
Samantala, isa rin sa kilalang atraksiyon at dapat puntahan sa lugar ay ang Id Kah Mosque, ilang kilometro lang ang layo mula sa Ancient City of Kashi.
Isa ito sa pinakamatandang moske sa China na itinayo noong 1442.
May land area itong aabot sa 1.68 hectares na may kapasidad na mag-accommodate ng 5,000 katao na mag-alay ng dasal.
Bagama’t bukas ito sa mga turista, isinasara ito sa panahon ng pagdarasal ng mga Muslim.
Nasa 20 yuan o katumbas sa higit P150 ang entrance fee habang libre naman ang mga turistang nasa 65-taong gulang pataas na pumasok sa lugar.