Malacañang, nakiusap sa PhilHealth na magbayad na ng utang sa mga ospital

Malacañang, nakiusap sa PhilHealth na magbayad na ng utang sa mga ospital

MARAMI nang mga ospital ang nagbanta na kakalas na sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa paglobo ng utang ng state insurer sa kanila.

Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI), taong 2020 pa ay may utang sa kanila ang PhilHealth.

Ayon kay PHAPI President Dr. Jose Rene de Grano, pumalo na sa P834 million ang unpaid claims ng PhilHealth sa ilang pribadong ospital sa North Luzon, Iloilo at General Santos.

Si Presidential Spokesperson Harry Roque, wala nang ibang magawa kundi ang makiusap sa PhilHealth na magbayad na ng utang.

Ayon kay Roque, hindi naman nagkulang ang gobyerno para pondohan ang PhilHealth.

“Naku, hindi ko na po alam kung ano ang sasabihin diyan. Dahil bilang nagtulak po ng Universal Health Care, ang pondo naman po na nanggagaling sa PhilHealth, iyan po ay sang-ayon sa Universal Health Care at hindi lang po iyan nanggagaling sa premiums. Iyan po ay nanggagaling din sa mga buwis ng taumbayan, kasama na diyan na iyong proceeds ng sin taxes, iyong appropriation ng DOH at saka iyong kita ng PCSO at saka PAGCOR,” pahayag ni Roque.

Ayon pa kay Roque, talagang magkakagulo sakaling tuluyang kakalas ang mga pribadong ospital.

“Siguro po mananawagan tayo uli kay President Gierran, paulit-ulit na pong sinasabi ni Presidente sa kanya, alam ko po ito paulit-ulit na silang nag-usap. Hayaan mo nang bayaran nang bayaran iyan, dahil sa panahon ng pandemya, talagang magkakagulo at magkakaroon ng kakulangan kung ang mga pribadong hospital ay hindi kasama sa Universal Health Care,” ani Roque.

Matatandaan na paulit-ulit na ring nakiusap ang mga senador sa PhilHealth na i-settle na ang mga reimbursement claims nito.

Iminungkahi ni Senator Sonny Angara sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na imbestigahan ang mga proseso ng PhilHealth sa pagbabayad ng utang sa mga ospital.

Ito aniya para malaman ang rason kung bakit mabagal ang pagbabayad nito ng mga health insurance claims.

“Dapat din tingnan ng ARTA o Anti-Red Tape Authority ang mga proseso ng PhilHealth para alamin ang rason sa mabagal na pagbayad ng mga health insurance claims ng mga ospital; nasa ilalim tayo ng public health emergency kayat inexcusable o di katanggap tanggap itong nangyayari ngayon,” ayon kay Angara.

Sa isang pahayag naman ay sinabi ni Senator Christopher Bong Go na kinausap na nila ni Executive Secretary Medialdea si PhilHealth President Dante Gierran at PHAPI President Dr. Jose Rene de Grano hinggil sa isyu.

Aniya una na siyang nakiusap sa dalawang panig na magtulungan ang mga ito para sa kapakanan ng publiko sa gitna ng health crisis.

“I am again reminding PhilHealth to exert all efforts possible in accordance with our laws to expedite the processing of payments for legitimate claims. Mas bilisan, mas simplehan, at mas iklian ang proseso sa tulong ng teknolohiya at dagdag na tao kung kakailanganin,” ani Go.

Pakiusap naman ng senador sa mga pribadong ospital na siguraduhing lehitimo ang lahat ng mga claims na isinusumite sa PhilHealth para hindi na magtagal ang vetting process.

SMNI NEWS