ITINANGGI ng Palasyo na may kinalaman ito sa inilunsad na isang kilusang Duterte Parin Movement na nag-uudyok kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagka-presidente sa eleksyon sa 2022.
Ang pahayag ay kasunod ng isyu ng umano’y isang dating opisyal ng Presidential Communications Operations Office o PCOO ang nanguna sa naturang movement.
Nitong weekend, inilunsad ang Duterte Pa Rin Movement sa Pasay City na sumusuporta kay Mayor Sara para sa 2022 presidential run.
Sigaw ng grupo, “Six more years” kasabay ng pagsusulong ng kandidatura ni Mayor Sara na pinaniniwalaang epektibong maipagpatuloy ang legasiya ng kanyang ama.
Kaugnay nito, sa isang pulong balitaan, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagamat batid nito at iginagalang ang kagustuhan ng maraming mga Pilipino na lumaban sa presidential race ang nakababatang Duterte, ay sinabi ng kalihim na walang kinalaman ang Palasyo sa kilusang ito.
Partikular na tinutukoy ni Roque na kahit suportado ang naturang kilusan ng mga dating administration officials, ay hindi ito nangangahulugan na involve na rito ang Malakanyang.
Gayunpaman, sinabi rin ni Roque na hindi nito kilala ang tinutukoy na umano’y promotor ng naturang kilusan kaya hindi niya ito masasagot nang deretso kung may katotohanan ang naturang isyu.
Bukod sa naturang grupo, nagpahayag din ng suporta si Albay Rep. Joey Salceda kay Mayor Sara kung saan sinabi nitong nakatitiyak siyang tatakbo ang alkalde sa panguluhan sa 2022.
(BASAHIN: Davao City Mayor Sara Duterte, tatakbo bilang pangulo sa 2022 —Rep. Salceda)
Giit pa ni Salceda, akmang-akma si Mayor Sara na susunod na maging pangulo ng bansa.
Kung matatandaan, inilunsad din ng grupong Alyansa Ni Inday Movement ang “Run Inday Run” campaign na naglalayong himukin si Mayor Sara na tumakbo para sa 2022 Presidential election.
Bagama’t una na ring nabanggit ni Pangulong Duterte na hindi tatakbo ang anak nito sa pagkapangulo, ay naniniwala pa rin ang iba’t ibang sektor na kayang-kaya ni Inday Sara na mamuno kapalit ng kanyang Ama, bilang pangulo ng Pilipinas.
Mababatid na naging consistent ang pangunguna ni Mayor Sara sa pre-election polls o surveys para sa posibleng presidential candidates sa susunod na taon.
Sa kabila ng banat ng mga kritiko, hindi maipagkakaila na ang kasalukuyang Duterte brand of governance ay mayroong napakalaking impact sa Pilipinas.
Iginiit ng grupong Duterte Parin Movement na kinakailangan ng Sambayanang Pilipino ang susunod na anim na taong pamamahala ng isang nakababatang Duterte na si Mayor Sara upang maipagpatuloy ang legasiya ng kanyang ama.