Malakanyang, ikinabahala ang anti-Asian violence sa Amerika

Malakanyang, ikinabahala ang anti-Asian violence sa Amerika

NAKIISA ang Malakanyang sa panawagan na ihinto na ang anti-Asian violence sa Estados Unidos.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nakalulungkot at nakababahala ang Asian hate crimes na talamak sa Estados Unidos.

“Pero siguro mas nakakaabala [nakakabahala] iyan kasi iyong mga kababayan natin, mga kamag-anak natin nagpunta sa Amerika kasi alam natin what drives America is the hopes and aspirations ng mga immigrants,” pahayag ni Secretary Roque.

Saysay ni Roque, ito’y dahil unang-una, halos karamihan sa mga Pilipino ay mayroong kamag-anak sa Amerika at ayaw nito na maging biktima sa naturang karahasan.

Idinagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo na ang mga immigrants kabilang na ang mga Pinoy ang dahilan kung bakit nagiging magaling ang ibang bansa.

“So parang kapag pag-iinitan mo iyong mga immigrants ay pinag-iinitan mo iyong, kumbaga, kaluluwa ng Amerika mismo as the land of immigrants,” saad ni Roque.

Mababatid na pumangatlo ang mga Pilipino sa mga lahing biktima ng hate crimes sa Amerika.

Ito ay batay sa report ng Stop AAPI Hate, isang non-profit organization na nangangalap ng datos hinggil sa mga pag-atake sa mga Asian Americans at Pacific Islanders na may kinalaman sa COVID-19 pandemic.

Base sa datos, pinakamaraming nabibiktima ng Asian hate crimes ang mga Chinese na nasa 43.5%, sinundan naman ito ng mga Koreano na 16.8%, mga Pilipino 9.1%, Japanese 8.6% at Vietnamese 8.2%.

Mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon, umakyat sa higit siyam na libo (9,081) ang bilang ng mga insidenteng naiulat sa AAPI, mula sa bilang na 6,603.

BASAHIN: Mga Pilipino, pangatlo sa mga biktima ng anti-Asian hate sa Amerika

SMNI NEWS