Malaking bodega sa Kawit, Cavite, naglalaman ng P100-M halaga ng smuggled agri products—DA

Malaking bodega sa Kawit, Cavite, naglalaman ng P100-M halaga ng smuggled agri products—DA

SINAKALAY ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ang isang malaking bodega sa Brgy. Toclong sa Kawit, Cavite.

Ang warehouse – may itinatago palang lihim.

Pagpasok mo sa naturang warehouse ay aakalain mong isa lang itong ordinaryong imbakan ng mga online delivery parcel.

Dalawang linggo matapos ang matinding surveillance ng DA ay puwersahan nilang sinira ang pader na ito dahil sa may nangangamoy na bulok na karne.

Pronte lamang pala ang mga delivery parcel na ito dahil pagpasok mo sa likod ay tatambad ang 10 naglalakihang cold storages.

Naglalaman lang naman ito ng kahun-kahong smuggled frozen agricultural products.

Tulad na lamang ng mga mala-higanteng isdang lapu-lapu, sucklig pig, pecking duck, karneng baboy, baka, at manok na nakatiwangwang sa semento.

Maaaring nagmula umano ang mga ilegal na produkto sa China at Hong Kong.

Aabot sa P100-M ang halaga ng mga frozen agricultural products ang nasabat ng DA at BOC sa 10 cold storage. Dahil bukod sa mga karne, nakita rin ang mga smuggled dumplings at frozen meat ball na ginagamit sa shabu-shabu.

Malaki ang posibilidad na ang mga nakitang smuggled items ay binabagsak sa mga restaurant sa Metro Manila.

“Illegal itong cold storage na ito, hindi ito registered sa NMIS na namamahala sa mga cold storages and warehouses natin,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

“Dahil wala itong necessary papers, walang sanitary at phytosanitary import clearances. Ibig sabihin, smuggled ito…delikado ito kung ilalabas sa merkado …nalaman na unfit for human consumption,” aniya.

Napag-alaman na ang kompanyang Vigour Global Trading na mga Chinese national ang may-ari ng mga nasabat na produkto.

15-araw ang ibinigay na palugit ng BOC sa kanila at sa oras na mabigo ang may-ari na tumugon.

“Hindi na kami mag-aantay ng 17 since makikita naman na ‘yung violation. Magre-recommend na kami ng issuance ng warrant,” wika ni Joel Pinawin, MPA, Field Station Chief, CIIS-POM, BOC.

“Ang mangyayari ay sisirain ito through condemnation by rendering,” ani Pinawin.

Paglabag sa Food Safety Act at Anti-Agricultural Smuggling Law ang maaaring haraping parusa ng sinumang may-ari.

Pero, sa kabila ng mahigpit na kampanya kontra smugglers ng administrasyong Marcos ay marami pa rin ang nakakalusot.

Marami na umano ang kinasuhan na mga smuggler pero isa pa lang ang nakulong.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble