SINUSPINDE ng National Telecommunications Commission (NTC) hanggang Mayo 14, 2025 ang malalaking pagkukumpuni at maintenance ng kanilang mga network.
Sa ilalim ng Memorandum Order No. 003-04-2025 para sa public telecommunications entities at internet service provider, ang pagpapaliban ng pagkukumpuni at maintenance ay para matiyak ang tuloy-tuloy na koneksyon sa buong bansa ngayong halalan.
Pinapayagan naman ang mga emergency repair basta’t sinusunod ang mahigpit na mga alituntunin at ang mga provider ay nananatiling naka-full operational alert.
Tiniyak naman ng NTC na nakikipag-ugnayan ito sa Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP) upang subaybayan at tugunan ang anumang banta o aberya sa mahahalagang komunikasyon at imprastraktura.