NGAYONG nalalapit na ang halalan, iba’t ibang diskarte na ang ginagawa ng mga kandidato para bumango ang kanilang mga pangalan sa mga botante.
Ang ilan, tulad ni reelectionist Sen. Francis Tolentino, ay tila pinipiling gumamit ng matitinding pahayag upang makuha ang atensiyon ng publiko. Sa isang campaign rally sa Dagupan City, sinabi ni Tolentino na kung nais aniya ng mga Pilipino na tuluyang mawala ang West Philippine Sea (WPS) at mawalan ng hanapbuhay ang libu-libong mangingisda, ay huwag siyang iboto.
At hindi lang ‘yun dahil binigyang-diin pa niya na kung nais ng mga Pilipino na sakupin ng China ang bansa at gawing alipin ng mga walang Diyos, ay dapat hindi siya piliin ng taumbayan sa halalan.
Ngunit para sa geopolitical analyst na si Professor Anna Malindog Uy, taliwas ito sa inaasahang asal ng isang responsableng mambabatas.
Aniya, sa halip na magpakawala ng mga pahayag na lalong nagiging mitsa ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa, mas mainam sana kung inilatag ni Tolentino ang kaniyang kongkretong mga plataporma para sa bayan—ang tunay na batayan kung bakit siya dapat iboto.
“Bilang isang responsableng senador, dapat imbis na mag-create siya ng tensyon between the two countries, ang gawin niya, ilahad niya sa mga Pilipino kung ano ang plataporma para sa bayan kasi ‘yun ang mas mahalaga. Dahil ngayon, pangalawang beses na siyang hihingi ng boto sa mga Pilipino, hindi ‘yung tipong mag-create pa siya ng tensyon para lang mapansin at magkaroon ng traction. That is not how supposedly responsible leader, senator of the country, should do,” ayon kay Prof. Anna Malindog Uy, Geopolitical Analyst.
Dagdag pa ni Professor Uy, kung pananakop lang talaga ang intensiyon ng China sa Pilipinas, ay sana noon pa ito nangyari, dahil ‘di hamak na mas malaki ang China kaysa Pilipinas.
Maging ang Sandatahang Lakas at ekonomiya ng China ay maituturing na ring superpower.
“Ang presence ng mga Chinese sa Pilipinas ay panahon pa ng Spanish time, Spanish colonization pa. May mga Tsino na sa Pilipinas and many of them helped us during our revolution and that something that we need to recognize. At tsaka kung gusto namang talagang sakupin at i-invade ang Pilipinas ng China, matagal kung tutuusin. Hindi lang ngayon, lalo pa’t malaki silang bansa, mas malakas sila, mas ‘di hamak naman na very advance even economically, militarily speaking,” aniya.
Kaya hindi tuloy maiwasang ikumpara ng propesor si Tolentino kay Pastor Apollo C. Quiboloy na kumakandidato rin sa pagka-senador.
Sabi niya, mas naglalatag pa ng konkretong solusyon o plataporma si Pastor Quiboloy imbes na mang-intriga.
“Iboboto ka pa kapag nakita ko or nakita namin kung ano ang ‘yung mga plataporma, katulad ni Pastor Quiboloy. Makikita mo si Pastor Quiboloy, kumakandidatong senador, naninira ba si Pastor Quiboloy sa ibang tao o sa ibang bansa? No! Ang ginagawa ni Pastor, inilalahad niya ang kanyang mga plataporma. Even any case, mananalo siya bilang isang senador. ‘Yun yung kailangan natin na mga politiko. ‘Yun ang dapat nating tingnan at pansinin na mga Pilipino, ‘yung naglalahad ng plataporma at hindi ‘yung ganitong mga nagce-create pa lalo ng issue at tensyon, especially when you talk about other countries,” giit nito.
Ilan sa mga pangunahing plataporma ni Pastor Apollo C. Quiboloy ay direktang tumutugon sa mga ugat ng paghihirap ng mamamayang Pilipino—kabilang na ang paglaban sa matagal nang salot sa lipunan—ang talamak na korapsiyon.
Kabilang din sa kaniyang adbokasiya ang pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho upang hindi na kailangang makipagsapalaran ang mga Pilipino sa ibang bansa, at ang muling pagsasaayos at pagbuhay sa ating kalikasan sa pamamagitan ng malawakang environmental restoration.
Dahil dito, mariing paalala ni Professor Uy sa mga botante: maging mapanuri, maging matalino, at higit sa lahat, mag-ingat sa pagpili ng mga kandidatong tunay na maglilingkod sa bayan sa darating na halalan.
Follow SMNI News on Rumble