MANIBELA, inagahan ang tigil-pasada; DOTr chief Dizon, nakipagdayalogo sa transport groups

MANIBELA, inagahan ang tigil-pasada; DOTr chief Dizon, nakipagdayalogo sa transport groups

HINDI na nahintay pa ng grupong MANIBELA ang pagsasagawa ng transport strike.

Imbes sa Lunes, Marso 24 pa dapat ang pagsisimula ng kanilang tigil-pasada, napaaga ito at ipinatupad ngayong Biyernes, Marso 21.

Paliwanag ng grupo, ginawa nila ito dahil sa umano’y palsipikasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa datos ng Public Transport Modernization Program (PTMP) sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Pabago-bago rin ang announcement ng iskedyul ng dayalogo na hindi nagustuhan ng MANIBELA.

“Dahil ito sa iskedyul na panloloko sa atin ng DOTr ‘yung kanilang mga imersaryo. Ngayon, available sila ng ganito, availabe ng ganon, kailangan pa kami magda-dayalogo kung ganyan ang sinasabi nila. Sa amin lang ayaw nila makipag-usap at idri-drible lang kami huwag na sila magpasabi para naman ng sa ganon ay hindi kami magmukhang tanga, hindi kami tina-tarantado lang. Itong mga nakaupo na mga ito ay masyadong abusado,” pahayag ni Mar Valbuena, President, MANIBELA

Tila binabalewala umano ng bagong DOTr Chief ang panawagan ng grupo na may kinalaman sa PTMP.

Malawak ang magiging epekto nito sa iba’t ibang sektor ng lipunan, mula sa mga tsuper hanggang sa mga komyuter at ekonomiya ng bansa kung hindi pakikinggan ng ahensiya ang kanilang hinaing.

Daan-daang ruta aniya sa Metro Manila at ilang karatig na probinsya ang nagkasa ng tigil-pasada.

“400 routes kung hindi po napilay ‘yan ewan ko nalang po sa kanila. Nakita naman natin sa mga social media accounts natin na hirap talaga ‘yung ating mananakay,” ayon kay Valbuena.

Pero, lingid sa kaalaman ng grupo—umaga ng Biyernes ay nakipagdayalogo si Transportation Secretary Vince Dizon sa ilang transport groups.

Natalakay ang mga isyu patungkol sa programa na pinakinggan naman ng kalihim.

Isa mga isyung inilatag ng mga grupo ay ang pangunahing kondisyon gaya ng pagpasok ng mga tsuper at operator sa mga kooperatiba o korporasyon kung saan ililipat ang kanilang prangkisa.

Sa ilalim ng programang ito, hindi na indibidwal ang magmamay-ari ng prangkisa kundi ang mga kooperatiba, na magiging responsable sa pagmamantina ng mga bagong sasakyan at sa pagpapatakbo ng ruta bagay na inamalhan ng mga nasa sektor.

Gayunpaman, umaapela naman ang kalihim sa grupo na huwag pahirapan ang mga komyuter at maging bukas na makipagdayalogo sa susunod na linggo.

“Naga-appeal pa rin ako na sana huwag na pero hindi naman po nating puwede na appeal lang po ang ating gawin. Kasi, karapatan naman po ng sinong bawat Pilipino na magpahayag ng kanilang sentimyento in public,” pahayag naman ni Sec. Vince Dizon, DOTr

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble