Marcos Jr., hindi nakikitang ‘Father Figure’ ng publiko—Political Analyst

Marcos Jr., hindi nakikitang ‘Father Figure’ ng publiko—Political Analyst

MANILA, Philippines — Isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng trust at approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang kakulangan ng leadership presence na hinahanap ng publiko sa isang “father figure,” ayon sa political analyst na si Dr. Froilan Calilung.

Sa panayam ukol sa pinakahuling Pulse Asia survey, inihayag ni Calilung na hindi nakikita ng mga mamamayan kay Marcos Jr. ang isang lider na maaaring sandalan, lalo na sa panahon ng tumitinding problema sa kriminalidad at peace and order.

“Hindi nila nakikita kay President Marcos yung father figure na pwede mong takbuhan, kausapin, o hingahan ng problema. Hindi rin kasi niya direktang kinikilala ang mga problemang ito,” pahayag ni Calilung.

Binanggit rin niya ang pagdami ng mga kaso ng road rage, patayan, iligal na pagdadala ng baril, holdapan, kidnap-for-ransom, at mga nawawalang bata na aniya’y tila hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ng kasalukuyang administrasyon.

Giit ni Calilung, naging turning point ng pagbaba ng tiwala ng publiko ay ang diumano’y iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, at ang pagdadala sa kanya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, na umano’y isinagawa nang walang pahintulot.

“Alarming ang pagbaba ng numero ni Pangulong Marcos Jr., lalo na’t nasa gitna pa lamang siya ng kanyang termino,” dagdag ni Calilung.

Sa kabilang banda, lumalakas naman ang suporta ng publiko kay Vice President Sara Duterte dahil sa mahinahong pagharap sa isyu ng pag-aresto sa kanyang ama. Ayon kay Calilung, nakita ng publiko sa kanyang demeanor ang katatagan at pagpapakumbaba, bagay na nakatulong upang tumaas ang kanyang trust at approval rating.

“Tinanggap at hinarap niya ang sitwasyon ng may composure, kaya nakita ng taumbayan ang kanyang maturity at leadership potential,” ani Calilung.

Sa kabuuan, sinabi ng analyst na nagkaroon ng “backfire” sa administrasyong Marcos ang diumano’y pamumulitika laban sa pamilya Duterte, at ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ang pagbaba ng suporta sa kasalukuyang pangulo.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble