LAMANG na si Marcy Teodoro sa kaniyang kalaban na si Koko Pimentel para sa congressional seat sa 1st District ng Marikina.
Ngunit suspendido ang kaniyang proklamasyon dahil sa nakabinbing kaso nito sa Commission on Elections (COMELEC).
Matatandaang kinansela ng COMELEC Division ang kanyang Certificate of Candidacy dahil sa umano’y hindi pagtupad sa one-year residency requirement sa distritong kaniyang tinakbuhan.
Maliban sa kaniya, 18 pang kandidato ang naisyuhan ng suspension order para sa kanilang proklamasyon sakaling manalo ang mga ito.
Kasama sa listahan sina Christian Sia at Harold Respicio na may kinakaharap ding disqualification case.
NBOC, nakatanggap na ng mga canvass report; pagpapalabas ng partial and official count inaasahan na bukas
Natanggap na ng COMELEC ang lahat ng Election Returns mula sa iba’t ibang presinto sa bansa, pati na rin ang mga boto mula sa overseas voting.
Dumating na rin ang mga Certificate of Canvass (COC) mula sa iba’t ibang probinsiya at mga bansang nagsagawa ng overseas voting.
Sa kabuuan, 175 ang kinakailangang COC na dapat matanggap ng COMELEC.
Bukas ng umaga, inaasahang makapagpapalabas ang NBOC ng partial at official count para sa mga national positions.
Proklamasyon para kay FPPRD bilang bagong mayor ng Davao, hindi sususpendihin ng COMELEC
Samantala, ang proklamasyon para kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang panalong mayor ng Davao City ay hindi sususpendihin ng COMELEC.
“Wala po tayong natatanggap from any court or the Commission na hindi siya dapat ma-proclaim. So ang rule po namin, regardless po na si Former President Duterte o lahat ng kandidato, kung wala kang order ng suspension of proclamation at ikaw ang nanalo, ipo-proclaim ka po namin,” pahayag ni Atty. Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.
Nilinaw rin ng Komisyon na hindi kailangan ang physical presence ng kandidato para ito ay maiproklama.
“Ang pagtaas po ng kamay ay only symbolic or ceremonial. Ano po ang legal process ng proclamation? Kapag po ang Certificate of Canvass and Proclamation ay pinirmahan, binasa, at inisyu na ng Board of Canvassers—whether city, provincial, or national—you are deemed proclaimed,” aniya.