Marine conservation sa ‘Surfing Mecca’ ng Davao Region, nanganganib dahil sa basura at plastik

Marine conservation sa ‘Surfing Mecca’ ng Davao Region, nanganganib dahil sa basura at plastik

MALIBAN sa mala-Boracay na buhangin sa dalampasigan at malinaw na tubig nito, kilala ang Dahican bilang ‘Surfing Mecca’ ng mga water sports enthusiast gaya ng surfers at skimboarders dahil sa malalaking alon dito.

Ngunit hindi lamang ito dinarayo ng mga turista, paborito rin ng mga pawikan ang kahabaan ng dalampasigan nito na pangitlugan.

Ang pitong kilometrong kahabaan ng dalampasigan ng Dahican ay itinuturing na sangktuwaryo ng iba’t ibang buhay-dagat partikular na ng mga pawikan tulad ng green sea turtle, hawksbill sea turtle, at olive ridley sea turtle.

Ang mga ito ay itinuturing na endangered, critically endangered, at vulnerable ayon sa National Marine Fisheries Service ng Estados Unidos (NOAA) Fisheries.

“Dito po sa Dahican, Mindanao, ito po iyong pinakasikat na surfing destination, marine wildlife conservation, madami po tayong pawikan. Hindi lang pawikan po, may dugong, may whale, may dolphin, may shark po. Maraming makikita dito sa Dahican. Kaya nga po takot kami baka darating iyong panahon, the next generation, hindi na nila makikita doon dahil ito na iyong problema, kapabayaan ng tao,” pahayag ni Winston Plaza, Amihan sa Dahican-Balod Sa Paglaom Inc.

Ang Mayo Bay, na yumayakap sa baybayin, ay tahanan ng pitong uri ng balyena at limang uri ng dolphin. Naroroon din ang dugong at butanding. Bukod dito ay mayroong apat na uri ng pawikan sa dalampasigan—ito ay ang Green Sea Turtle, Olive Ridley, Hawksbill, Loggerhead, at Leatherback Turtle.

“Sinasabi namin sa kumakain ng turtle at nanghuhuli ng turtle na ang turtle ay hindi pagkain ng tao. Pagkain siya ng lamang dagat and then ang lamang dagat magproduce ng maraming lamang dagat,” saad ni Jun Plaza, Adviser, Mati Watersports Association.

Sa kahabaan ng Dahican ay matatagpuan ang dalawang sikat na lokal na grupo ng skimboarders at surfers—ang Amihan sa Dahican-Balod sa Paglaom Inc. at Mati Watersports Association.

Higit pa sa pagiging skimboarding group, ang parehong grupo ay itinuturing din na tagapangalaga ng nasabing lugar. Mga grupo ng environmentalist na layuning protektahan ang dalampasigan na ngayo’y nanganganib dahil sa dagsa ng mga turista at mamumuhunan.

Marine advocates: Plastik, pinakamalaking peligro sa mga pawikan at marine wildlife sa Davao Oriental

“Isang bagay lang po ang problema namin ngayon, stress po sa plastik; basura. Ngayon po, number 1 po tayo sa Southeast Asia na plastic (polluter) country. Iyong mga river mount natin patay na. Tapos ang dami pang nagdadala ng basura sa beach. Pagkatapos, iiwan. Kaya ang ginagawa namin, garbage in papunta sa dagat; paglabas dapat dalhin talaga. Kasi aabot ng 500 years to 1 million years po, hindi nabubulok,” wika ni Winston Plaza, Amihan sa Dahican-Balod sa Paglaom Inc.

Sa kabila ng paulit-ulit na pagpapaalala ng lokal na komunidad ng Dahican sa mga turista tungkol sa pagsinop ng kanilang mga basura, patuloy pa rin ang problema dulot ng kawalan ng disiplina ng marami.

“Siguro sa tigas ng ulo po ng mga tao. Tapos minsan, pagpasok nila dito hindi pa lasing, paglabas nila, iyon naiiwan na iyong mga basura nila,” ayon pa kay Plaza.

Sa paglipas ng panahon, patuloy na lumalago ang turismo sa Dahican, Mati City, Davao Oriental, lalo na’t hindi maikakaila ang kagandahan ng lugar. Ngunit, kalakip ng paglago ng ekonomiya at turismo, ay ang malaking responsibilidad na hindi natin dapat kaligtaan lalo na sa ating Inang Kalikasan.

Bayanihan sa pangangalaga ng dalampasigan sa Davao Oriental, isinusulong ni Pastor Apollo C. Quiboloy

Tugon dito, nakipagtulungan ang Sonshine Philippines Movement, kasama ang iba’t ibang mga organisasyon, ahensiya ng pamahalaan, at mga pribadong indibidwal, na magsagawa ng malawakang coastal clean-up drive sa Brgy. Dahican, sa syudad ng Mati, Davao Oriental.

Sa ngalan ng bayanihan at pag-ibig sa kalikasan, suot ang gwantes at kaniya-kaniyang bitbit ng mga sako at iba pang cleaning materials, sako-sakong basura gaya ng plastik, balat ng sitsirya, papel, plastic bottles, at pira-pirasong kahoy ang nakolekta ng mga boluntaryo sa isinagawang Nationwide Cleanliness Drive na Kalinisan: Tatag ng Bayan sa dalampasigan ng Dahican.

“Iyong clean-up drive, ito iyong malaking tulong sa ating wildlife, kasi bakit?”

“Lahat ng plastik, lahat ng basura (ay) makukuha natin. Kasi ang plastik pag nag-ikot iyan; ang filter ng sigarilyo nag-ikot iyan, magiging dumi iyan. Akala nila din pagkain pag nasa tubig na. Akala nila jellyfish. Akala nila malaking jellyfish. Hindi pala, plastik pala iyon.”

“Kaya nga, lahat ng nagc-cleanup drive, ang masasabi ko, malaking tulong iyan doon sa ating wildlife conservation,” saad ni Plaza.

Daan-daang boluntaryo nagkaisa sa coastal cleanup ng Sonshine Philippines Movement sa Dahican, Mati City

Ang mga estudyante ay lumahok din sa makakalikasang aktibidad dahil bahagi rin umano ng adbokasiya ng kanilang organisasyon ang pangalagaan at pahalagahan ang Inang Kalikasan.

Maituturing na napakalaking bagay para sa lokal na pamahalaan at lalo na para sa mga taga-Dahican ang pagtulong at pakikiisa ng Sonshine Philippines Movement sa pangangalaga ng kanilang natatanging yaman.

Bilang isang environmentalist at marine wildlife advocate, naging inspirasyon umano kay Winston Plaza, isa sa Amihan Boys, ang matagumpay na reforestation project at ang pagbabalik ng kagandahan ng kalikasan na isinulong ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa Glory Mountain, na matatagpuan sa paanan ng Bundok Apo sa Davao City.

Ayon sa kaniya, kung nagawa ito ni Pastor Apollo sa isang bahagi ng dating kalbong kabundukan, may pag-asa pang maibalik ang kagandahan ng maraming dalampasigan, basta’t magtulungan lamang ang lahat.

“Isa din na ano, pagdating ko dito na-inspire ba. Nakita ko na ang ganda pala ng ginagawa nila. Naiyak ako, kasi idol ko kasi e. Nakikita ko kasi iyong sa Tamayong, di ba makita mo na parang pagpumupunta ka, parang nasa ibang bansa ka. Nakikita mo na ito iyong beauty ng nature na naprotektahan. Hopefully, soon iyon ang dream natin,” aniya.

Bayanihan sa pangangalaga ng dalampasigan sa Davao Oriental, isinusulong ni Pastor Apollo C. Quiboloy

Ang simpleng pagsinop ng kahit pinakamaliit na basura sa kanilang dalampasigan ay malaking tulong na para sa kanila.

Kaya naman saludo sila sa Sonshine Philippines Movement, higit lalo na sa founding chairman nito na si Pastor Apollo C. Quiboloy, dahil hindi sila dumayo bilang mga turista, kundi bilang mga katuwang sa pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang mga naggagandahang beach resort nang walang hinihintay na kapalit.

“Pastor, wala man akong relihiyon pero lagi kitang pinapanood, kasi noon pa man talagang inspired talaga ako sa kanyang ginagawa.”

“Sana matulungan nila kami ma’am sa conservation. Kasi sa ngayon, walang tao na nagtanggol talaga about sa kalikasan. Kahit sino iyong nandyan sa taas, wala talaga.”

“Sana mabigyan talaga ng pansin na magtulungan po para magkaisa na maprotekhan natin ang kalikasan,” dagdag ni Plaza.

Umaasa sila na magiging magandang halimbawa ito at impluwensiya sa mga dumarayo sa kanilang lugar.

Dahil ang pangangalaga sa kanilang lugar ay may kaakibat na sama-samang pagsisikap, kooperasyon, at responsibilidad tungo sa mas balanse na turismo, pangangalaga sa kalikasan, at kapakanan ng lokal na komunidad.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble