Mas dumadaming LGUs, hayagang sumusuporta sa PDP-Laban — Sen. Bato

Mas dumadaming LGUs, hayagang sumusuporta sa PDP-Laban — Sen. Bato

MANILA, Philippines, Abril 24, 2025— Ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, unti-unti nang dumarami ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na lantaran nang nagpapaabot ng kanilang suporta sa mga senatorial candidate ng PDP-Laban, sa gitna ng tumitinding tensyon sa politika.

Ito ay kasunod ng kontrobersyal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagkakakulong nito sa isang detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

“Hindi na nila kayang patahimikin ang taumbayan. Ngayon, pati mga LGUs ay unti-unting lumalaban, lumalakas ang loob. Hindi sila natitinag, at tuloy ang suporta sa mga kandidato ng PDP-Laban,” ani Dela Rosa.

Ang pagkakaaresto kay Duterte ay mabilis na nagdulot ng malawakang reaksyon sa buong bansa. Maraming lokal na opisyal, ayon sa senador, ang nagsimulang manindigan at hayagang nagsalita ng kanilang pagkadismaya at suporta para sa kampo ng dating Pangulo.

Tinawag ni Dela Rosa ang pagkilos ng ICC na “labag sa soberanya ng Pilipinas” at “isang malinaw na panggigipit sa lider ng masang Pilipino.”

Sa kabila ng mga isyu, sinabi ni Dela Rosa na lalo pang tumitibay ang puwersa ng PDP-Laban, lalo na sa mga lalawigan kung saan malakas ang base ng Duterte support. Inaasahan nitong makakaambag ito sa tagumpay ng kanilang mga senatorial bets sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble