UPANG matiyak ang kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), magpapataw ang DMW ng mas mahigpit na patakaran sa deployment ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ang naging tugon ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nang tanungin tungkol sa panukalang deployment ban sa Kuwait, matapos ang malagim na sinapit ng mga OFW na sina Jenny Alvarado at Daphne Nacalaban.
Ayon kay Cacdac, bago pa man umalis ng bansa ang isang manggagawa, kinakailangang magkaroon muna ng video call sa pagitan ng employer at ng OFW.
Sa ganitong paraan, makikilala ng empleyado ang kanyang magiging amo—at vice versa.
Bukod rito, susuriin din ang background ng employer upang matiyak na hindi ito kabilang sa mga lumabag sa karapatan ng mga OFW.
“So, we are introducing what we call ‘know your employer’ measures/requirements. Bago pa man umalis iyong worker ay may video call na with the employer, kita na niya iyong mukha. And actually, in fairness to the employer, vice-versa, makikilala niya na rin kung sino iyong worker na papunta sa kaniya,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac.
Kasabay nito, sinisiguro din ng DMW na ang mga employer ay may malinaw na track record, walang criminal record, at may kakayahang magpasahod sa mga OFW.
Giit ng kalihim, hindi basta-basta kung sino-sino lang ang dapat makapag-hire ng mga de-kalidad na Pilipinong kasambahay.
Bilang dagdag na proteksiyon, ipatutupad din ng DMW ang ‘Kumustahan System’ kung saan regular na mangungumusta ang ahensya sa lagay ng mga OFW.
Kahit matagal nang naninirahan sa ibang bansa ang isang manggagawa, maaari pa rin silang mag-ulat electronically sa DMW upang ma-monitor ang kanilang kalagayan.
“Kailangan electronic eh, mahirap iyong manual lang, paisa-isang tawag. They should be able to text or send an email or a Facebook message para mas madali nating ma-monitor iyong sitwasyon nila.”
“Mayroon tayong electronic monitoring system right now. But we will also put the employers and the Kuwaiti recruiters to task about helping us monitor,” ani Cacdac.