NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itutuloy ng administrasyon ang pagtatayo ng mas maraming proyekto para sa pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon.
Ito’y bilang bahagi ng pagsisikap ng administrasyon na mapabuti ang buhay ng mga komyuter.
“I assure you that this administration will continue to pursue more public transportation projects that will improve our people’s mobility and interconnectivity as well as to enhance the quality of each Filipino,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang publiko na makiisa sa gobyerno sa pagbuo ng moderno, makabago at maunlad na Pilipinas.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna ng inagurasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) 4th Generation (4G) Light Rail Vehicles (LRVs) sa lungsod ng Pasay.
Ang mga bagong LRV ay gagamitin sa kasalukuyang LRT-1 system project ng gobyerno at sa LRT-1 Cavite Extension.
Inaasahan na magiging fully operational na ang LRT-1 Cavite Extension pagsapit ng 2027.
Ang Cavite extension project ay kayang tumanggap ng hanggang 800,000 pasahero araw-araw at magpapaikli sa oras ng biyahe sa pagitan ng Baclaran, Pasay City at Bacoor, Cavite mula sa isang oras hanggang 10 hanggang 25 minuto.
Hiniling naman ng Pangulo sa publiko ang pang-unawa sa naidudulot ng nagpapatuloy na konstruksiyon ng LRT-1 Cavite Extension.
Sa kabilang banda, umapela rin ang Punong Ehekutibo sa mga commuter na pairalin ang basic etiquette kapag gumagamit ng mga pampublikong sasakyan.
“And I also ask our commuters to practice courtesy and basic etiquette when using public conveyances such as keeping trains clean as well as following the rules so that our transport systems can run in an efficient, effective and orderly manner,” ani Pangulong Marcos.