Masaganang produksiyon ng palay, ‘di pa rin mararamdaman hanggang katapusan ng 2024—DA

Masaganang produksiyon ng palay, ‘di pa rin mararamdaman hanggang katapusan ng 2024—DA

AMINADO ang Department of Agriculture (DA) na lubhang naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo ang agrikultura. Ayon sa ahensiya, mahirap maibalik ang magandang produksiyon sa bigas hanggang katapusan ng 2024.

Nagpipigil ng kaniyang luha habang kinakausap ng SMNI Newsteam si Kuya Ricardo nang maabutan namin siyang namimili ng bigas sa isang tindahan.

Naiiyak kasi siya kapag napag-uusapan ang sitwasyon o ang estado ng kanilang pamumuhay ngayon.

Apat na kilong bigas lang ang kaniyang nabili dahil kapos sila sa budget kaya’t pagkakasyahin na lamang nila ito hanggang dalawang araw.

‘‘Para sa aming mahihirap medyo mahal pa rin mahirap kasi ano, kaunti lang ang budget lalo na sa akin malayo ang trabaho ko nasa Maynila, kitchen helper lang magkano ang suweldo? Minimum lang, mahirap kasi nag-aaral pa mga anak ko,’’ pahayag ni Kuya Ricardo, mamimili.

Hindi na nga aniya tinitingnan pa kung maganda o hindi ang kalidad ng bigas basta’t pasok lang sa budget.

Kapag kapos na aniya talaga sa pera—wala silang magawa kundi mangutang na lamang.

Hirap pa rin nga ang tindahan nito na ibaba ang presyo ng kanilang bigas.

Nasa P48 kada kilo ang bentahan nila ng regular milled rice habang P52 na sa kada kilo ng well-milled rice.

Sabi ng Agriculture Department, may pagbaba ang presyo ng bigas sa merkado ‘yun lang hindi pa gaanong nararamdaman ng mga mamimili.

Aminado nga ang ahensiya na inaasahan na nila na hindi magiging maganda ang produksiyon ng palay ngayon hanggang sa katapusan ng taon.

Ito ay dahil sa sunud-sunod na bagyo na nanalasa sa bansa.

‘‘Supposed to be after 2 weeks ay maka-recover kaagad kaya lang sunud-sunod ‘yung bagyo kaya nahihirapan ‘yung mga magtatanim ng palay,’’ ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Kaya asahan na aniya na mahirap nang maabot ang target sanang 20 milyong metriko tonelada ng palay ngayong 2024.

‘‘Malaki ang losses sa rice ngayon inaasahan natin na bababa. Ang initial estimate ay nasa 19.4 bababa by 600,000 metric tons pero dahil medyo malaki ang damage ngayon.’’

‘‘Hindi pa namin alam ‘yung 19.4 supposed to be kasama na ‘yung effect ng La Niña doon,’’ dagdag pa ni Asec. De Mesa.

Pero, kahit kapos aniya sa lokal na produksiyon ay maaari pa namang matugunan ang kakulangan ng bigas sa bansa sa pamamagitan ng importasyon.

Inaasahan na nga ng ahensiya na aabot sa higit 4 na milyong metriko tonelada ng bigas ang papasok sa bansa hanggang sa katapusan ng Disyembre.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble