Mataas na poverty incidence sa Eastern Visayas at iba pang rehiyon tinututukan

Mataas na poverty incidence sa Eastern Visayas at iba pang rehiyon tinututukan

MAY lumabas na survey na nagpapakita na 27% ng pamilyang Pilipino ang nakararanas ng gutom—ito ang pinakamataas na naitala sa Visayas at Metro Manila.

Aminado naman si National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Lope Santos III na may mga rehiyon na talagang mataas ang poverty incidence tulad ng Eastern Visayas.

“Mataas iyong Region VIII, so naka-focus tayo diyan. At iyong magnitude of poverty naman, iyong karamihan ng tao ay nasa ibang probinsiya din sa Visayas at ito iyong mga tinututukan natin,” ayon kay Sec. Lope Santos III, National Anti-Poverty Commission.

Kaya naman, puspusan din aniya ang pakikipagpulong at pakikipag-ugnayan ng NAPC sa iba’t ibang rehiyon.

Saad ni Santos, ang mga ginagawang konsultasyon sa regional ay binubuo ng basic sector at mga regional line agency ng mga lokal na pamahalaan.

“Napakakritikal noong papel ng local government units diyan at ito iyong hina-harness ng NAPC patungkol na rin doon sa mandato nila na mayroon dapat silang local poverty reduction action plans,” dagdag ni Santos.

Una nang binigyang-katwiran ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naitalang mataas na bilang ng mga nagugutom na Pinoy sa kabila ng iba’t ibang programang pantawid-gutom ng ahensya.

Binanggit ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na ang mga hindi inaasahang kaganapan gaya ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon ay ang isa sa mga dahilan kaya tumaas ang insidente ng kagutuman sa rehiyon.

“Niri-recognize naman natin iyong mga challenges. Halimbawa ‘no in Visayas, prolonged iyong issue on Kanlaon eruption and this could be one of the reasons kung bakit nga po tumaas din iyong incidents of hunger in that region,” wika ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, Department of Social Welfare and Development.

Matatandaan na una nang sinabi ng isang ekonomistang si Dr. Michael Batu na ang patuloy na pagtaas ng hunger rate sa bansa ay bunga ng kabiguan ng administrasyong Marcos Jr. na solusyunan ang isyu ng food security.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter