HINDI pa man opisyal na pagsisimula ng summer season, pero damang-dama na ng marami ang matinding init ng panahon.
Sa ilalim ng tirik na araw, mas mabilis na napapagod si Mang Chris, isang kargador. Hindi lang dahil sa bigat ng trabaho niya kundi dahil na rin sa sobrang init ng panahon.
“Pagod. Mabilis mapagod. Naha-high blood ka syempre. Tumataas ‘yung dugo mo. Nakakapagod eh. Baka ma-stroke ka,” wika ni Chris Aguilar, ramdam ang matinding init ng panahon.
Para kahit paano ay maibsan ang pagod at maiwasan ang sakit, mas madalas na siyang umiinom ng tubig.
Umiinom ng tubig palagi para hindi madehydrate.
Nitong Martes, Marso 4, una nang sinabi ng PAGASA ang posibilidad na umabot sa 46°C ang heat index.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang ganitong temperatura ay pasok na sa danger level.
Kaugnay rito, nagpaalala na ang Department of Health (DOH) sa posibleng epekto ng matinding init—mula sa heat cramps, heat exhaustion, hanggang sa mas delikadong heat stroke.
“Ang ganitong mga temperatura ay maaaring humantong sa heat cramps (pamumulikat) at heat exhaustion (pagkahapo), na may mga sintomas tulad ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkahilo. Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito, o kaya ay mga seizure/kombulsyon, na maaaring nakamamatay kung hindi ginagamot,” saad ni Asec. Albert Domingo, Deputy Spokesperson, Department of Health.
Maaari naman maiwasan ang mga sakit na ito ayon sa DOH.
Mga hakbang para maiwasan ang heat-related illnesses:
- Pag-inom ng maraming tubig
- Pag-iwas sa iced tea, soda, kape, o mga inuming may alkohol
- Paglimita sa oras sa paglabas sa pagitan ng 10 AM – 4 PM
- Paggamit ng proteksyon sa araw tulad ng sumbrero, payong, at sunblock
- Pagsuot ng maluwag at magaan na damit
Mga klase sa Pasay City simula Marso 5-6, suspendido dahil sa inaasahang matinding init ng panahon
Samantala, sa Pasay City, suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan mula Marso 5 hanggang Marso 6.
Batay ito sa rekomendasyon ng Pasay City Disaster Risk Reduction and Management Office matapos matukoy ang posibleng pagtaas ng heat index sa 40°C sa susunod na dalawang araw.
Ayon sa Pasay LGU, ang ganitong heat index ay pasok sa yellow-orange alert, na nangangahulugan ng extreme caution.
Bagama’t ramdam na ang matinding init, hindi pa opisyal na nagsisimula ang summer season sa Pilipinas. Ayon sa PAGASA, posibleng maramdaman ang opisyal na tag-init sa pagitan ng kalagitnaan ng Marso hanggang Abril.
Water shortage, hindi nakikita ng MWSS sa papalapit na summer
Sa kabila nito, tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na walang magiging water shortage ngayong paparating na tag-init.
“For this year, we projected no na hindi naman po magkakaroon ng water shortage kasi mataas yung naging year-end elevation.”
“Noong nakaraang buwan, actually nag-spill pa nga tayo sa ating mga dams sa Angat at saka sa Ipo. So, we expected no na for this summer ay ‘di tayo magkakaroon ng water shortage,” saad ni Engr. Patrick James Dizon, MWSS.