Matinding politika, dahilan ng kaso sa Ombudsman—Mayor Marcy Teodoro

Matinding politika, dahilan ng kaso sa Ombudsman—Mayor Marcy Teodoro

KINUWESTIYON ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang timing ng kasong malversation of public funds na isinampa sa kaniya sa Office of the Ombudsman.

Sa panayam ng SMNI News, saad ni Mayor Teodoro na politika ang motibo ng kaso.

“‘Yung timing kaduda-duda lalo’t malapit na ang filing ng certificate of candidacy at kung kailan meron ibang mga kandidatong interesado doon sa aking posisyon,” saad ni Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

Ngayon lang nasangkot sa isyu ng korapsiyon si Mayor Teodoro sa hinahaba-haba ng panahon niya sa public service.

Misallocation ng PhilHealth funds na umaabot sa P130-M ang bintang sa kaniya.

Pero alam aniya ng alkalde na pakawala ng mga kalaban niya sa politika ang naghain ng reklamo.

“’Yung kinukwestyon nilang pondo ay intact naman at hindi naman nagagamit. Kung malversation eh ang isa mahahalagang element ng malversation eh ‘yung utilization of public funds. Wala namang utilization of public funds,” giit ni Mayor Marcy.

Natapos na ang Commission on Audit (COA) na magsuri sa kung nasaan ang kinukuwestiyon na pondo.

At ayon kay Mayor Teodoro, intact o walang bawas ang remittance ng PhilHealth sa LGU.

“Batay nga sa mga nakaraang audit report, intact pa ito. Ito ‘yung mga remittance ng PhilHealth sa LGU Marikina dahil meron kaming mga dating mga diagnostic services na ginawa during the pandemic na inavail ng PhilHealth ‘yung services ng city,” aniya.

Suportado ng Mayors for Good Governance (M4GG) si Mayor Teodoro na isa sa convenor ng grupo.

Sa isang pahayag, sinabi ng M4GG na buo ang tiwala nila sa local chief executive lalo na’t kilala nila ito bilang mahigpit sa transparency sa government transactions.

Bukod kay Teodoro, nahaharap din sa kaso sa Ombudsman ang M4GG Mayors na sina Pasig City Mayor Vico Sotto, at Iloilo City Mayor Jerry Treñas.

Nanawagan ang M4GG sa Ombudsman ng patas na imbestigasyon.

Mayors for Good Governance, nanawagan ng patas na imbestigasyon sa Ombudsman para kay Mayors Teodoro, Sotto, at Jerry Treñas

“Maaring ano lang to, siguro isang pagsubok sa buhay ng politika. Very confident naman ako na hindi to magpo-prosper o hindi to magtutuloy dahil nga wala naman talagang ganung nangyari.”

“Anuman ang nangyayari, tuloy ang paglilingkod. Tuluy-tuloy ang serbisyo natin para sa lahat at hindi ito magbabago,” ayon sa alkalde.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble