Mayor Alice Guo, sinampahan ng reklamong human trafficking sa DOJ

Mayor Alice Guo, sinampahan ng reklamong human trafficking sa DOJ

SINAMPAHAN ng reklamong human trafficking sa Department of Justice (DOJ) si Mayor Alice Guo.

Nagsimula na sa pagsasampa ng reklamo ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kasama ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa DOJ laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at sa 13 iba pa matapos salakayin ang isang POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Buwan ng Marso nang salakayin ng PNP-CIDG at PAOCC ang Zun Yuan Technology, isang POGO hub sa Bamban, Tarlac dahil umano sa ilegal na operasyon.

Nagbigay daan ito para sa pagsasampa ng reklamong human trafficking laban sa 14 na indibidwal kasama na ang mismong mayor ng Bamban na si suspended Mayor Alice Guo, ngayong Biyernes ng umaga sa DOJ.

Ayon kay DOJ Usec. Nicholas Ty, mayroong multiple evidence na susuporta sa reklamo lalo pa’t lumutang ang koneksiyon ni Guo sa ilegal na POGO dahil sa iba’t ibang dokumento.

“Hindi lang ito piece of evidence, ngunit multiple evidence ito na pwedeng magsama-sama at ma-consider na circumstantial evidence upang maipakita na may probable cause upang ma-charge sila. Noong lumabas ang mga ebidensya tulad ng fact na siya ‘yong nag-apply noon sa dating POGO, dating LONO from the local govt. Lumabas din ang kaniyang involvement sa lessor company kasama na rin ‘yong ibang ebidensya tuald ng pangalan niya na lumutang sa mga sabi-sabing dokumento na nahanap doon sa POGO compounds,” pahayag ni Usec. Nicholas Ty, Department of Justice.

Sa ngayon, ayon kay Ty, prinoproseso na nila ang pagpapalabas ng Lookout Bulletin Order para kay Guo at inaasahan nilang mapipirmahan ito ng Justice Secretary sa susunod na linggo.

Umaasa aniya sila na walang planong lumabas ng bansa si Guo sa kabila ng mga isinampang reklamo sa kaniya.

“Ito namang kay Mayor Guo, hopefully, hindi naman siya lilipad dahil siya mismo, ang kaniyang mga representative nagsasabi na nais niyang harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya. At bukod doon, si Mayor Guo ay isang public official, hindi naman siya basta-basta makakabiyahe na wala siyang travel authority. Ang ILBO natin, PHDO nung ia-apply ng mga prosecutors ay safeguard lang at hindi naman kailanganganin,” saad ni Ty.

Samantala, bukod kay Guo, inireklamo rin ng  qualified trafficking in person ang ilang Chinese na opisyal ng illegal POGO hubs na Hongsheng Gaming Technology at ZunYuan Technology, Inc., at Baofu Corporation, at ang dating government official na si Dennis Cunanan.

Si Cunanan ay dating deputy director general ng binuwag na Technology and Livelihood Resource Center. Si Cunanan ay na-convict dahil sa pork barrel scam.

Ayon kay Deputy City Prosecutor Benjamin Samson, nakakita sila ng mga ebidensiyang nag-uugnay kay Cunanan sa sabwatan ng mga kapwa akusado, batay sa mga nakuhang dokumento sa illegal POGO hub sa Bamban.

“Itong labing tatlong taong ito, ay mga officers at incorporators ng 3 kompanya. Meron ding iba pang private individuals na pinaniniwalaan namin at may malakas na ebidensya na sangkot sa conspiracy para ma-commit ang qualified trafficking in persons,” wika ni Benjamin Samson, Deputy Senior Prosecutor.

Ang qualified human trafficking ay non-bailable.

Sinabi naman ni Ty na ang isinampang reklamo laban sa mga respondents ay magkakaroon pa ng due process sa DOJ.

“Dadaan pa ito sa preliminary investigation kung saan bibigyan ang mga respondents at kasama doon si Mayor Guo ng mga pagkakataon na maibigay ang kanilang mga panig. Wala pa ito sa korte, dadaan pa ito sa proseso. Ayaw naman naming pangunahan ang aming mga prosecutors na independently magco-conduct ng preliminary investigation,” dagdag ni Ty.

Mayor Guo, hindi uurungan ang reklamong human trafficking laban sa kaniya

Samantala, sa isang pahayag, itinanggi naman ni Mayor Guo ang akusasyon at sinabing wala itong koneksiyon sa alinmang POGO hub sa bansa.

Bagaman hindi pa ito nakakatanggap ng kopya ng opisyal na reklamo, nananatiling tiwala si Mayor Guo na kulang ang ebidensiya para idawit siya sa mga alegasyon.

Anito tila, nauna pa ang mga alegasyon bago ang pagpapakita ng mga ebidensiya.

“Since the day of the raid on March 13 until now, there has been a concerted effort to unjustly link me to the case. If concrete evidence existed, charges would have been filed against me much earlier,” pahayag ni Alice Guo, Suspended Bamban Mayor.

“Having connections to companies or individuals, especially when vague, is not enough to link someone to a case, particularly one involving human trafficking,” dagdag ni Guo.

Handa rin aniya siyang harapin ang anumang reklamo laban sa kaniya.

Samantala, ayon kay PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz, inihahanda na rin nila ang iba pang reklamo na isasampa laban kay Guo at iba pang kapwa akusado kaugnay ng illegal POGO hub.

Tuloy-tuloy rin ang PAOCC sa kanilang ginagawang crackdown laban sa iba pang mga illegal POGO.

Ayon dito, may apat nang LGUs na tumawag at handang makipag-ugnayan sa kanila.

“’Yong mga local govt units natin, nagpuntahan na sa amin at tumawag na sa amin. They are seeking the help of interagency taskforce, ‘yong PAOCC para tulungan sila to identify area kasi may mga suspected illegal POGO hubs na sinasabi. Siguro nakikita nila we are not saying na parang we are showing a warning sa mga local government official but nararamdaman nila na it’s their responsibility sa nasasakupan nila, nakikipag-coordinate na sila ngayon,” pahayag ni Usec. Gilbert Cruz, Executive Director, PAOCC.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble