IKINABABAHALA ni Makati Mayor Abby Binay ang kapakanan ng higit 300,000 residente na apektado ng desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa Taguig.
Napag-alaman na iginawad kamakailan ng Korte Suprema sa Taguig ang 10 residential barangays sa ikalawang distrito ng Makati na may tinatayang populasyon na mahigit 300,000.
Ito ay ang mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside at Southside.
Ilan sa mga pangunahing alalahanin ng alkalde ay ang kinabukasan ng libu-libong mag-aaral sa public schools ng lungsod; mga serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng sampung barangay; at maging kalagayan ng senior citizens sa mga nasabing barangay.
Ayon kay Binay na sa kabila ng diumano’y malaking revenues na nakokolekta ng Taguig mula sa BGC, hindi nito naibibigay sa kanilang mga residente ang kasing-dami at kaparehong kalidad ng mga serbisyo at benepisyo na ibinibigay ng Makati.