Mayor Joy Belmonte: Board games solusyon kontra social media at gadget addiction

Mayor Joy Belmonte: Board games solusyon kontra social media at gadget addiction

SA makabagong panahon, tila naging mas magaan ang pamumuhay ng mga tao dahil sa teknolohiya.

Sa pamamagitan ng gadgets at social media, nagiging mas madali ang komunikasyon kahit magkakalayo.

Pero kaakibat ng kaginhawaan ay ang tumitinding suliranin tukad ng labis na pagkahumaling sa social media at gadgets, partikular sa mga kabataan.

Sa isang press conference, binigyang-diin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang seryosong epekto ng social media addiction.

“Alam naman natin na marami nang pag-aaral na nagpapakita na ang labis-labis na paggamit ng social media ng kabataan ay nagiging sanhi ng tinatawag na mental health problems, depression, anxiety, at marami pang iba,” saad ni Mayor Joy Belmonte, Quezon City.

Para sa mga magulang na problemado na sa gadget addiction ng kanilang mga anak, may inihahandang alternatibo ang Quezon City LGU.

Pinakamalaking board game expo sa Southeast Asia, gaganapin sa Quezon City

Sa darating na Mayo 29 hanggang Hunyo 1, gaganapin sa M.I.C.E. Center ng Quezon City ang All aBOARD Exposition—ang pinakamalaking board game expo sa buong Southeast Asia, sa pangunguna ng kompanyang Gaming Library.

Ayon kay Mayor Belmonte, ang board games ay isang mabisang paraan upang iwasan ang labis na paggamit ng gadgets at social media.

“Ito ‘yung aming panawagan sa mga pamilya na let’s leave our gadgets behind and let’s start embracing another form of entertainment because gaming is another form entertainment,” dagdag ni Belmonte.

Ayon kay Hans Kenner Fernandez, CEO ng Gaming Library, mahigit 100 board games ang maaaring subukan at laruin ng mga dadalo mapa bata man o matanda.

Mula sa mga classic game hanggang sa pinakabagong laro sa merkado, apat na araw itong walang humpay na board gaming experience.

“Makakaexperience sila ng over 100 board games na pwedeng malaro.”

“Mayroon din tayong ibang hobbies na sumali din. One of them is ang sikat na beyblade. Mayroon din silang tournament. Mayroon din tayong painting workshops para sa mga kabataan din,” ayon kay Hans Kenner Fernandez, CEO, Gaming Library.

Bukod sa mga laro, tampok din ang meet-and-greet sa mga game designers, matitinding tournaments, exclusive merchandise, at iba’t ibang workshops.

“One of our key partners from South Korea is hosting a game-based learning workshop where tutulungan ‘yung mga guro natin na matutunan kung papaano gagamitin ‘yung mga board games at mga laruan para panturo sa mga bata as an alternative form of education,” ani Fernandez.

Libre ang entrance para sa mga may QCitizen card at mga batang 12 taong gulang pababa. Samantala, P50 ang entrance fee para sa non-Quezon City residents.

Ayon kay Mayor Belmonte, malaki ang maiaambag ng All aBOARD Exposition sa lokal na turismo at ekonomiya ng lungsod.

Higit 5,000 katao na ang nag-pre-register sa nasabing event. Inaasahang dadaluhan ito ng libu-libong bisita mula sa Pilipinas at iba’t ibang bansa gaya ng Greece, South Korea, Singapore, Thailand, at Vietnam.

“Ang Quezon City ay isang alternative destination for exciting forms of tourism, activities na hindi nila makita sa iba pang bahagi ng Pilipinas. So, this is something that will impact our economy kasi syempre 5,000 people kakain iyan sa mga restaurants natin, sa mga coffee shops. Pero the more exciting for me is that Quezon City will be put on the map as a unique destination wherein hindi pangkaraniwan ang nararansan nila dito no,” giit ni Belmonte.

Tiniyak ng Quezon City Government ang kahandaan ng lungsod sa inaasahang dagsa ng bisita sa M.I.C.E. Center.

Nakikipag-ugnayan na rin ang LGU sa Schools Division Office upang hikayatin ang mga estudyante na dumalo sa expo lalo’t bakasyon ang mga paaralan sa panahong iyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble