MAAGA pa lang ay nagtungo na si Cebu City Mayor Mike Rama sa Guadalupe Elementary School upang tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang botante. Maayos ang kanyang pagdating at mabilis niyang nahanap ang kaniyang presinto.
Ngunit ang inaasahang maayos na proseso ay nauwi sa aberya nang magkaproblema ang automated counting machine sa kanyang presinto dahil sa paper jam.
Hindi lang ito nag-iisang insidente. Paulit-ulit umanong nagkaroon ng problema ang makina, dahilan upang mabahala si Rama sa kahandaan ng mga kagamitan para sa halalan.
“I wish it’s not happening everywhere because it’s not a good scenery.”
“An hour of delay, and the queuing now, if not going to be fixed. It’s going to be hell of a process.”
“I wish it’s not happening anywhere,” (It happened to other precincts sir.) Wow. (Nagkaroon ng aberya po.) Wow,” pahayag ni Mayor Mike Rama, Cebu City.
Ikinabahala rin ni Rama ang mga ulat ng hindi pagtutugma ng mga boto sa resibong inilalabas ng makina.
“Nakakatakot. Bakit ganoon? Kaya I wish kapag nangyayari ito buong bansa dapat makorek. Tapos kung hindi man makorek or matapos ang election, ang pinakaimportante talaga yung will of the people will come out,” ani Rama.
Sa kabila ng mga aberya, naniniwala si Rama na dapat pa ring bigyan ng benefit of the doubt ang COMELEC. Umaasa siyang maaayos ang mga problema bago pa ito makaapekto sa resulta ng halalan.
Ngayong umaga, umabot na sa walo ang bilang ng automated counting machines na nagkaaberya sa Guadalupe Elementary School.
Karamihan sa mga makina ay nahirapang magbasa ng mga balota, dahilan upang bumagal ang proseso ng pagboto at magdulot ng pangamba sa mga botante.
May ilan ding botante ang tumangging iwan ang kanilang mga balota at piniling hintayin na ma-feed ang mga ito sa makina oras na maayos na ang mga teknikal na problema.