Mayorya sa mga Pilipino, tutol na mag-resign si VP Sara bilang DepEd Secretary

Mayorya sa mga Pilipino, tutol na mag-resign si VP Sara bilang DepEd Secretary

ISA sa pinulsuhan ng Publicus Asia nitong ikalawang quarter ng 2024 sa kanilang PAHAYAG Survey ang pagbitiw ni VP Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Base sa resulta, mayorya ng mga Pilipino ang tutol sa pagresign ni Vice President Duterte bilang DepEd Secretary.

Mula National Capital Region (NCR) hanggang sa Mindanao, mataas ang bilang ng mga Pilipino na tutol na magbitiw ang pangalawang pangulo sa DepED.

Nitong Hunyo 19, 2024, naghain ng resignation si Vice President Duterte bilang kalihim ng DepEd at Vice Chairperson ng NTF-ELCAC na magiging epektibo matapos ang 30-day transition period.

Wala pang malinaw na rason kung bakit nagresign ang pangalawang pangulo.

Pagbitiw ni VP Sara bilang kalihim ng DepEd, kailangang tanggapin ng taumbayanRoque

Ayon sa dating opisyal ng Malacañang, naiintindihan niya kung bakit ayaw magresign ng mga Pilipino si VP Sara Duterte pero aniya kinakailangan nilang tanggapin ang naging desisyon ng pangalawang pangulo.

“Naiintindihan ko iyan kasi best-performing asset ng gobyerno si Sara Duterte as secretary of DepEd. Pero kinakailangan tanggapin din ng taumbayan ang pagiging kalihim ay desisyon na maging kabahagi ng administrasyon. Sa tingin ko, marami ng mga issues na salungat ang kanilang mga pananaw at dahilan nga talagang umalis na sa administrasyon si VP Sara Duterte,” ayon kay Atty. Harry Roque, Former Palace Spokesperson.

Sang-ayon naman si Atty. Harry Roque na malaking hamon para sa susunod na kalihim ang masundan ang yapak ni Vice President Duterte sa DepEd lalo’t iniwan ng pangalawang pangulo ang nasabing ahensiya na pinaka-pinagkakatiwalaan at best-performing sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.

VP Sara, mas matututukan ang mandato bilang pangalawang pangulo kasunod ng pagresign bilang DepEd Secretary

Sa ngayon ani Roque, mas matututukan na ni Vice President Sara ang kaniyang mandato bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Mapapatutok na si VP Sara sa pagbibigay tulong sa buong Pilipinas bilang bise presidente. Makakaikot na siya. Makikita niya na ang kalagayan ng ating mga kababayan at sa tingin ko mas mapapalapit pa siya sa taumbayan na ‘yung responsibilidad niya as Department of Education Secretary ay natapos na,” ani Roque.

Naniniwala rin ang dating opisyal ng Palasyo na mapupunan ni Vice President Duterte ang kakulangan ng administrasyong Marcos sa pagtugon sa mga problema na kinakaharap ng mga Pilipino.

Kakulangan ng administrasyong Marcos, mapupunan ni VP DuterteRoque

“Kung ano nga ‘yung kakulangan ng gobyerno, given the limited budget of the Vice President’s office, ay inaasahan natin na kahit papaano ay makatulong siya sa problema ng ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng kaniyang mga proyekto,” ayon kay Roque.

Nitong Sabado, ibinahagi ni Vice President Duterte ang resulta ng mga proyekto at programa ng kaniyang tanggapan sa nakalipas na isang taon.

Mula May 2023 hanggang April 2024, nakapamahagi ang OVP ng higit P1-B na medical assistance sa halos 119,000 na Pilipino habang nasa higit P150-M naman na burial assistance ang naibigay ng ahensiya sa higit 30,000 na pamilya.

Nasa 12 Civil Society Organization naman may kabuuang 26,000 na miyembro ang natulungan ng programang ‘Mag Negosyo Ta ‘Day’ kung saan bawat organisasyon ay nakatanggap ng P150,000 para sa kanilang livelihood projects.

Ilan din sa mga programa ng OVP na pinakikinabangan ng publiko ay ang Libreng Sakay sa Metro Manila, Cebu, Bacolod at Davao, mga food bags sa ilalim ng RICE Program sa panahon ng sakuna, libreng school supplies at dental kits para sa mga estudyante, Pansarap Program para sa mga mag-aaral na kinakailangan ng dagdag na nutrisyon, at Kalusugan Food Trucks.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble