BINIGYAN ng mababang grado ang kasalukuyang administrasyon sa pagtugon nito sa kanilang pangunahing concern.
Batay sa inilabas na survey result ng Pulse Asia nitong Lunes Enero 8, 2024, nangunguna pa rin ang inflation rate o ang mataas na presyo ng bilihin ang nais matugunan agad ng 72% ng mga Pilipino.
Ang naturang survey ay isinagawa mula Disyembre 3-7, 2023 na may 1,200 adult respondents.
Pinakamataas na bilang ang nagpahayag ng concern sa Visayas at Mindanao na may tig-75%.
Sinundan naman ito ng 71% sa Luzon at National Capital Region na may 69%.
Sa kabilang banda, pasok sa top national concerns ng mga Pilipino ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa na may 40%.
Sinundan ito ng pagbuo ng mas maraming trabaho na may 28%.
Samantala, ilan pa sa mga nais na mabigyang-pansin ng mga Pilipino ang kahirapan, laban kontra graft and corruption sa mga tanggapan ng gobyerno, tulong sa mga magsasaka, problema sa involuntary hunger, paglaban sa kriminalidad, suporta sa mga maliliit na negosyo, pagpapatupad ng batas sa kahit kanino at pagbawas sa binabayarang buwis.