MECQ, iiral sa NCR Plus simula ngayong araw hanggang Abril 30

EPEKTIBO simula ngayong araw ay bahagyang niluwagan sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang NCR Plus o ang Metro Manila, kabilang ang probinsya ng Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan.

Sa Presidential Briefing ngayong araw ni Sec. Harry Roque, magtatagal aniya ang Modified Enhanced Community Quarantine sa NCR Plus hanggang Abril 30.

Maliban naman sa NCR Plus, isinailalim rin sa MECQ ang Santiago City sa Isabela at Abra.

Kaugnay nito, nilinaw ni Roque na sa ilalim ng MECQ ay tanging mga essential goods and services, at mga nagtatrabaho sa opisina at establisimyento lamang ang pinapayagang lumabas.

Kasama rin dito ang mga Authorized Persons Outside Residence o APOR.

Samantala, simula mamayang gabi ay iiral ang mas pinaikling unified curfew hour sa Metro Manila na magsisimula ng alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Magtatagal naman ito hanggang sa katapusan ng Abril.

Hindi dapat maging kampante —Sen. Bong Go

Samantala, ayon kay Senator Christopher Bong Go, sa pag-implementa ng MECQ sa NCR Plus ay hindi nangangahulagan magiging kampante na tayo, may konting adjustment lang sa mga patakaran upang masigurong umaandar ang ekonomiya at hindi aabot sa punto na tuluyang mamatay ang kabuhayan ng mga tao.

“Kahit ano pa mang quarantine restrictions ang iimplementa natin, mas importante dito ang disiplina, pag-iingat, at kooperasyon ng lahat. Sumunod tayo sa mga itinakdang health protocols para maging matagumpay ang ating mga hakbang na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 habang ibinabalik ang sigla ng ating ekonomiya,” pahayag ni Go.

Ayon kay Go, kailangan ng pakikiisa ng lahat sa laban kontra pandemya.

“Kaya po kailangan ang pakikiisa ng lahat sa laban na ito. Ipinapatupad natin ang mga kinakailangang hakbang upang maiwasan hindi lamang ang sakit, kundi pati rin po ang gutom at kahirapan,” ani Go.

Maliban pa sa paghihigpit sa mga restriksyon dapat din umanong magkaroon ng pinagsamang pagsisikap upang mapabilis ang pagpapalawak ng mga pasilidad sa kalusugan, karadagang mga frontliner, pagpapabilis sa pagbabakuna at pagpapabilis sa pagproseso sa serbisyo at pagbabayad ng PhilHealth.

Dagdag pa ni Go na gawin ang lahat upang maisalba ang buhay ng kapwa Pilipino.

“Gawin natin ang lahat para matulungan ang ating kapwa at mailigtas ang buhay ng mga nagkakasakit. Bawal po ang papatay-patay ngayon. Kung papatay-patay tayo, mas lalong dadami ang mamamatay. Hindi rin po ito panahon para magsisihan. Panahon ito upang magtulungan!” dagdag ni Go.

(BASAHIN: Pagdating ng mas marami pang bakuna, tiniyak ni Sen. Bong Go)

SMNI NEWS