Meralco may bawas-singil ngayong buwan ng Abril

Meralco may bawas-singil ngayong buwan ng Abril

MABABAWASAN ang singil sa kuryente ngayong Abril pero hindi pa tiyak ang Meralco kung magtutuloy ito sa Mayo.

Kasabay ng pag-init ng panahon, uminit din ang mga ulo nina Mang Nelson at Aling Fe.

Paano naman kasi anila nagmahal na ang lahat mula sa mga bayarin sa tubig, mga bilihin hanggang sa kuryente.

“Hinahighblood dahil sa sobrang taas ng kuryente. Umiinit ang ulo dahil sa mahal na bilihin at mataas na kuryente,” saad ni Nelson Montecalvo, consumer.

“Lage naman eh. Umiinit talaga ang ulo kapag oras ng bayarin ng kuryente. Syempre kulang yung income,” ayon naman kay Fe Guasis, consumer.

Pero may magandang balita para kina Mang Nelson, Aling Fe at lahat ng mga customers ng Meralco.

May bawas singil sa kuryente ang Meralco sa paparating na April 2023 billing.

P0.118/kwh ang bawas sa over-all rate ng Meralco na katumbas ng P24 hanggang P59 sa mga residential customers.

Bawas-singil sa kuryente ng Meralco

APRIL 2023 BILL

Kunsumo  Bawas

200kwh     P24

300kwh     P35

400kwh     P47

500kwh     P59

Ang bawas-singil ay bunsod ng mababang generation charge na bumaba mula P7.38 sa P7.33.

 “And ito ay hopefully magandang balita sa mga customers natin dahil sa mas mababang singil ng ilan sa pinagkunan ng supply ng Meralco na naka-offset naman sa koleksyon ng ipinagpalibang generation costs na as we’ve announced ay P0.20 kada kWh na deferred generation costs,” ani Joe Zaldarriaga, spokesperson, Meralco.

Paliwanag pa ng Meralco na bumaba ang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market dahil gumaganda ang sitwasyon ng suplay sa Luzon grid.

Nabawasan din ang transmission charge, mga tax, at mga subsidy.

Kaya kahit papaano medyo lumamig ang mga ulo nina Aling Fe at Mang Nelson.

Meralco, hindi pa tiyak kung may bawas-singil ulit sa kuryente sa susunod na buwan

Pero hindi pa nakatitiyak ang Meralco kung magtutuloy-tuloy ang bawas-singil sa susunod na buwan.

“It’s very difficult to really come up with a definite answer to your question because we really need to wait for the final billings coming from all our suppliers,” ayon kay Joe Zaldarriaga, spokesperson, Meralco.

“Hindi mo kasi maprepredict ito sa ngayon. It’s too early to say. But then again mayroon ka ng P0.20 na kailangang iconsider for next month,” saad ni Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Higit 400-K household, makakabenepisyo sa lifeline subsidy o diskuwento sa singil sa kuryente

Samantala aabot sa higit 400,000 ang mga benepisyaryo ng lifeline discount o makakakuha ng diskuwento sa singil sa kuryente batay sa opisyal na listahan na inendorso ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco.

Mga marginalized household na pasok ang konsumo sa threshold ng ERC ang makikinabang sa lifeline subsidy.

Ang mga marginalized household ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program o mga pamilyang may sertipikasyon mula sa kanilang lokal na Social Welfare Development Office.

Naghahanda na ang Meralco para tumanggap ng mga aplikasyon para sa nasabing programa.

“Magkakaroon kami ng anunsyo kung kailan ready na at ano yung mga requirements na kailangan ipresenta ng mga households para dito,” ani Larry Fernandez, Utility Economics Head, Meralco.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter