MAINGAT na ngayon ang PhilHealth matapos ang mga anomalya nito noon na dahilan ng mabagal na reimbursement nito sa mga ospital ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta.
“Ang nangyari kasi kaya napabagal naman ‘yung proseso nila dahil na rin doon sa mga tuntunin na ginawa nila noong nakaraan. Halimbawa ‘yung mga mekanismo na ginawa nila para matutukan kung talagang tama ‘yung reimbursement na isinusumite ng napakaraming ospital o ‘yung tinatawag na healthcare institution andami kasing gumagawa ng mga anomalya ay ‘yung kanilang isinusumite na reimbursement mula sa PhilHealth ay kinakasangkutan ng napakaraming anomalya. Halimbawa kahit na ang mga bilang ng pasyente ay sampu lang ay gagawing isangdaan o kaya naman ‘yung naging kapansanan niya ay sipon lang, gagawing pneumonia o kaya naman ‘yung kanilang pagkakaospital tatlong araw lang, gagawing isang buwan. Nagkaroon pa sila ng ibang kakutsaba at kapag hindi ito nasawata talagang magdurugo ‘yung kaban ng bayan. Unang-unang dapat gawin ay ayusin lahat ito,” pahayag ng mambabatas.
Mas mainam ani Marcoleta na karamihan sa mga taga-PhilHealth ay nakasuhan na, nagbitiw at nakapagtala ng bagong pinuno dito.
Kaugnay nito ayon kay Marcoleta, nag-iingat at sinusuring mabuti na rin ng PhilHealth ang lahat ng claims kung kaya’t natatagalan na ito sa reimbursement.
Kamakailan lang ay sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) President Dr. Rene de Grano, posibleng sa January 2022 ay kakalas na ang mga hospital mula sa PhilHealth.
Ito’y dahil sa hindi pa sila nababayaran ng state health insurer.
Samantala, pipiliting isulong ni Marcoleta ang pagpapababa ng presyo ng kuryente sa bansa sakaling papalarin sa 2022 bilang senador.
Kasama rin dito ang mai-rationalize o maisaayos ang Department of Education (DepEd).
Ang agricultural sector at pagsawata ng korupsyon ay kabilang rin sa mga bagay na ipinangako niyang tututukan.