ARESTADO ang aktor na si Dominic Roco at apat pang katao sa isinagawang buy-bust operation sa isang townhouse sa Quezon City nitong nakaraang linggo.
Nahuli rin ang main target ng operasyon na si Reynaldo Sanchez sa Don Antonio Heights sa Barangay Holy Spirit.
Bukod kina Dominic Roco na anak ng sikat na actor na si Bembol Roco at Sanchez, nadakip din ang isang babae at dalawang lalaki.
Nakumpiska sa kanila ang 15 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P102,000, at 10 gramo ng umano’y marijuana na nagkakahalaga ng P14,000.
Si Roco ang pinakahuling artista na nasangkot sa paggamit ng iligal na droga.
Kaya para sa isang kongresista, magandang halimbawa dapat ang ipinapakita ng mga nasa telebisyon laban sa ipinagbabawal na gamot.
Magandang halimbawa na dapat daw sana’y pamarisan ng mga kabataan.
“Hindi natin maikakaila yung ating mga artista ay talagang iniidolo to ng ating mga kabataan. In fact, ‘yung iba nga pati yung pananalita, yung pananamit hanggang yung mga pagkilos eh ginagaya dahil kanila itong idol ‘yun. Pero ang nakakalungkot diyan halimbawa pag ‘yung kanilang iniidolo eh na-involve sa isang bisyo na illegal drugs no eh baka maka-impluwensya pa ito sa ating mga kabataan,” pahayag ni Rep. Robert “Ace” Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
Ayon kay Barbers, ang solusyon dito ay isalang sa drug text ang mga artista bago bigyan ng proyekto o gawing project-based ang drug test para matiyak na drug free ang workplace ng mga pelikula.
“Para sa akin siguro kapag halimbawa merong isang proyekto, may isang pelikulang gagawin eh bago pumirma ng kontrata sa ating mga producer eh ipa-drug test muna para nang sa ganun eh kung ito ba ay malaman natin kung ito ba ay gumagamit ng droga o hindi di ba? ‘Yung ang kanilang maitutulong sa ating bansa dito sa usapin sa giyera kontra sa droga,” ayon kay Barbers.
Para naman sa aktor at Senador Robinhood Padilla na hindi maaring obligahin ang sinoman na sumailalim sa drug test dahil ito aniya ay maaaring paglabag sa karapatang pantao.
Ngunit ayon kay Padilla, suportado niya ang pagsasailalim sa drug test ng mga manggagawa, kasama na ang mga kasama niya sa showbiz, sa katuwiran na ito naman ay para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.
“It would also be best if the employers shouldered the expenses for such drug tests,” pahayag ni Sen. Padilla.
“Hindi po natin pinapanukalang maging mandatory, ang ating pong pinapanukala ay gawing regulatory o magkaroon ng polisiya ang ating showbiz industry na bago sila magbigay ng proyekto, bago sila magbigay ng pelikula o gumawa ng pelikula eh siguro dapat eh dumaan muna sila sa isang drug test,” ayon pa ni Barbers.
Suportado naman ng Philippine National Police (PNP) ang mungkahi ni Barbers na isalang sa drug test ang celebrities.
Hamon naman ni Chief PNP Police General Rodolfo Azurin, Jr. sa mga artist na magpa-drug test na at maging magandang halimbawa sa mga kabataan.
“It’s a good recommendation as celebrities are the role models of the youth. They should be impeccable. Kaya sana drug-free lahat ng artista natin, they must volunteer to take a drug test,” ayon kay Azurin.