TIWALA ang Malakanyang na makakakamit ang pangmatagalang kapayapaan, kasaganaan, at mas matatag na relasyong diplomatiko sa Colombia, Cambodia, at Ukraine.
Ito’y sa gitna ng pagtanggap ng Pilipinas sa mga bagong resident ambassador mula sa mga nabanggit na bansa.
Sa magkahiwalay na seremonya sa Palasyo, tinanggap ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang mga kredensiyal nina Ambassadors Edgar Rodrigo Rojas Garavito ng Colombia, Sin Saream ng Cambodia, at Yuliia Oleksandrivna Fediv ng Ukraine.
Naitatag ang pormal na relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Colombia noong 5 Hulyo 1946. Ang Colombia ay tahanan ng humigit-kumulang 100 Pilipino.
Ipinahayag naman ni Cambodian Ambassador Sin ang kanyang pangako na higit pang palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng Maynila at Phnom Penh para sa kapakinabangan at kaunlaran ng mga Pilipino at Cambodian.
Napanatili ng Pilipinas at Cambodia ang relasyong diplomatiko mula pa noong 20 Agosto 1957. Sa huling tala nitong Hunyo 2024, tinatayang 7,500 Pilipino ang nasa nabanggit na bansa.
Inilahad naman ni Ukrainian Ambassador Fediv ang kanyang kahandaan na mag-ambag sa pagpapaunlad ng bilateral na relasyon, lalo na sa kolektibong pagsisikap na nagtataguyod ng kapayapaan, kasaganaan, at paggalang sa isa’t isa.
Naitatag ang relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Ukraine noong Abril 7, 1992. Nasa 24 na Pilipino ang kasalukuyang naninirahan sa nasabing bansa.
Follow SMNI News on Rumble