Mga barangay, SK, organizations, at businesses, binigyang parangal sa QC Green Awards

Mga barangay, SK, organizations, at businesses, binigyang parangal sa QC Green Awards

INILUNSAD ang Quezon City Green Awards na magpapatibay sa layunin ng pagkakaroon ng mas maunlad at maayos na kapaligiran at kalikasan.

Binigyang pagkilala at parangal ng pamahalaang lungsod ng Quezon City kamakailan ang aabot sa 80 mga indibidwal kabilang na ang mga organisasyon at negosyante na nagbahagi ng kanilang kontribusyon sa pagsisikap na mapangalagaan ang kapaligiran at Inang Kalikasan.

Ang programang ito ng Quezon City Green Awards ay pinasimulan buwan ng Mayo upang mapababa ang panganib gaya ng matinding pagbaha dulot ng malalakas na bagyong tumatama sa bansa na epekto ng climate change.

Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte, Vito Sotto, Ricardo Luis Bocalandro at iba pang opisyales ang nasabing aktibidad.

Ayon kay Mayor Belmonte, naghanap ang lokal na pamahalaan ng mga barangay, SK official, organisasyon at mga negosyante na may malasakit at nakikiisa para sa kaayusan ng kapaligiran at kalikasan.

‘‘Alam natin na ‘yung problema ng climate change ay hindi nalulutas ng isang lungsod lang. Kailangan sama-sama talaga kami, dapat magkaisa na gumawa ng positibong hakbang para ma-address ang isyu ng climate change na nararamdaman nating lahat,’’ ayon kay Mayor Joy Belmonte, Quezon City.

Kabilang sa mga nakatanggap ng trophy at cash price na nagkakahalaga ng P100,000 sa ilalim ng Green Awards ang:

– Barangay Talipapa

– Sangguniang Kabataan ng Barangay Novaliches Proper at

– Youth-Based Organization – Unit 4 Youth Association

Habang kinilala naman sa ilalim ng Resilience Awards ang:

– Barangay Culiat

– Sangguniang Kabataan ng Barangay Batasan Hills at

– Youth-Based Organization – Halamanan Youth Association

Ang napanalunang pinansiyal ay gagamitin bilang suporta sa mga proyekto na kanilang inilulunsad sa kani-kanilang komunidad.

Umaasa ang alkalde na sana ay magtuluy-tuloy na ang nasabing programa at isa sa panawagan nito sa publiko na makiisa at lumahok sa ganitong programa para sa kalikasan.

‘‘Sana tuluy-tuloy na ang event na ito at ang ating gustong gawin siyempre kada taon ay tumataas ang bar, kasi ngayon nakikilala na ng lahat na kailangan natin magtulungan para gumawa talaga ng mga hakbang para matugunan ang problema ng climate change.’’

‘‘At sana mas marami din ang sumali dahil balak din namin magpasa ng mga batas para mahikayat ang mga negosyante, mga barangay, mga kabataan na umampon ng mga positibong hakbang tungo sa pagtupad ng mga climate commitments natin,’’ saad pa ni Mayor Belmonte.

Follow SMNI NEWS on Twitter