MAHALAGA na dumalo si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo sa nakatakdang oral arguments hinggil sa petisyong kumukwestiyon sa blangkong items sa Bicam report ng 2025 General Appropriations Bill (GAA).
Ito’y lalo’t inimbitahan sya ng Korte Suprema maging ang mga myembro ng technical working group hinggil sa isyu ngayong April 1 hanggang 3, 2025.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, sa pagdalo ni Quimbo ay maipapaliwanag na bakit naipasa o nagkaroon ng national budget kung may mga blangkong item sa Bicam report.
Kung ano aniya ang nasa Bicam report ay ito rin sana ang makikita sa final bill.
Ngunit sa final bill, ang mga blangko sa Bicam ay nalagyan na ng halaga.
Dito na nagiging kwestiyunable kung sino ang naglagay ng halaga at kung ang naglagay ay may awtoridad ba na gawin ito.
Matatandaang itinanggi ng mga nasa-kongreso ang pagkakaroon ng blangkong items sa 2025 national budget ngunit kalaunan din ay inamin na nila na totoo ngang may blangko roon.
Mismong si Quimbo rin ang nag-amin nito.
Sa kabila ng pag-amin ay mayroong petisyon na isinampa sina Atty. Vic Rodriguez, Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab at iba pang mga petitioner hinggil dito.