Mga celebrity at influencer, binalaan sa pag-eendorso ng ilegal na online casino

Mga celebrity at influencer, binalaan sa pag-eendorso ng ilegal na online casino

MARIING binigyang-diin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at National Bureau of Investigation (NBI) na malinaw sa batas: ang pagpo-promote, pag-eendorso, o anumang uri ng suporta sa ilegal na online gambling, kabilang na ang e-sabong, ay isang kriminal na gawain.

Ayon sa mga awtoridad, may mga ulat na ilang celebrity at influencer sa YouTube, TikTok, at Facebook ang ginagamit bilang online promoter ng mga naturang ilegal na sugal—na kadalasang naka-target pa sa mga kabataan.

Babala ng PAGCOR at NBI, maaaring kaharapin ng mga nasasangkot ang kasong kriminal at administratibo, lalo na kung mapatunayang tumanggap sila ng kabayaran para i-market ang mga hindi lisensyadong sugal online.

Pinaalalahanan din ang publiko na hindi dahilan ang kasikatan para lumabag sa batas. Ayon pa sa mga otoridad, hindi lahat ng online promos ay ligtas o lehitimo—lalo na kung ito’y konektado sa gambling na walang awtorisasyon mula sa pamahalaan.

Pananagutan sa batas ang mga aksyon sa digital platforms, at anumang paglabag ay may kaukulang kaparusahan.

Sa huli, panawagan ng mga kinauukulan—gamitin nang tama ang impluwensiya, lalo na’t maaaring maapektuhan ang isipan at kilos ng mga kabataan sa panonood ng kanilang iniidolong personalidad.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble