Mga COC mula sa iba’t ibang probinsiya nasa COMELEC HQ na

Mga COC mula sa iba’t ibang probinsiya nasa COMELEC HQ na

NAGSIDATINGAN na sa main headquarters ng Commission on Elections (COMELEC) sa Maynila ang mga Certificate of Candidacy (COC) mula sa iba’t ibang rehiyon at probinsiya sa bansa.

Kasama sa 1st batch ay ang mga COC mula sa CAR, Region I, Region II, Region III, Region IV-A.

Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, inaasahan na sa loob ng tatlong araw ay matatanggap na nila ang lahat ng COC mula sa lahat ng rehiyon at probinsiya sa bansa.

Mga nakapaghain ng kandidatura, hindi pa itinuturing na kandidatoCOMELEC

Samantala, paglilinaw naman ng COMELEC chair, hindi pa itinuturing na kandidato ang mga aspirant kahit pa mailalagay na sa website ang kanilang mga COC.

Aminado si Garcia, ang pagpo-post ng mga COC sa COMELEC website ay gagawin ng komisyon sa unang pagkakataon dahil na rin umano sa naging kaso ni ex Bamban Tarlac, Mayor Alice Guo na nakatakbo sa nakaraang eleksiyon sa kabila ng hindi ito totoong Pilipino.

Aniya, mahalaga ngayon na malaman ng mga botante ang mga naghahangad na makatakbo sa eleksiyon upang agad nilang maharang sa COMELEC ang mga aspirant na sa tingin nila ay hindi kwalipikadong mailagay sa puwesto.

Para sa 2025 elections, nakatanggap ng mahigit 43,000 na COC ang COMELEC mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa pagka-senador, nakatanggap ng 184 COCs ang COMELEC habang 190 naman pagdating sa party-list groups.

Target ng COMELEC na sa buwan ng Disyembre ay makakapagpalabas na sila ng listahan ng mga pangalan na mailalagay sa balota.

Ilan sa mga kailangan munang maresolba ng komisyon ay ang mga nuisance cases at petisyon for disqualification na maihahain sa komisyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble