Mga dating heneral, pinagpapaliwanag sa naging papel sa anti-drug campaign ng pamahalaan

Mga dating heneral, pinagpapaliwanag sa naging papel sa anti-drug campaign ng pamahalaan

MAY bago na namang pakiusap ngayon si Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga dating pinuno at heneral ng PNP para pagpaliwanagin sa kanilang naging papel sa anti-drug campaign ng pamahalaan.

Ito’y kasunod ng pagbubunyag ni dating PCSO General Manager Royina Garma sa Quad-Committee Hearing ng Kamara noong isang linggo ang patungkol sa “Davao Model” ng war on drugs.

Ayon kay Marbil, sineseryoso nila ang mga paratang na ito ni Garma at ito na rin ngayon ang tinututukan ng nagpapatuloy nilang imbestigasyon.

Binigyang-diin pa ni Marbil na mahalagang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis partikular na sa kampanya kontra ilegal na droga kung saan, pangunahing prayoridad dito ang karapatang pantao.

Magugunitang sa ilalim ng Duterte administration, naibunyag ang talamak na paggamit, pagbebenta at kalakaran ng ilegal na droga at dito inilunsad ang drug war campaign ng pamahalaan.

Noon pa man ay ipinaliwanag na ng PNP na dokumentado ang kanilang mga operasyon gayundin ang kahandaan nito na magbigay ng mga ebidensiya kasunod ng sinasabing pagpasok ng ICC sa bansa dahil sa nasabing madugong kampanya kontra ilegal na droga.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble